 | Ang buwan ng Abril ay inuukol ng buong mundo sa mga gawaing nagpapaigting ng pangangalaga sa Inang Kalikasan at pagsagip sa ating Mundo. Iba’t ibang organisasyon mula sa publiko at pribadong sektor ng lipunan ang nagsusulong ng iba’t ibang mga proyekto kaugnay nito upang maipamulat sa taumbayan ang mga epekto ng kapabayaan ng tao sa Mundo, at maging mga pamamaraang maaaring maitulong ng bawat isa.
Libreng kape hatid ng mga recyclables
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Month, sinimulan ng Jing Si Books and Café ng Tzu Chi Philippines noong Marso ang pamimigay ng mga patalastas upang mahimok ang mga tao na magdala ng kanilang recyclable materials sa bookstore. Kaalinsabay nito ang pagkakaloob ng mga coffee coupons sa mga makikiisa upang kanilang matikman ang masarap na kape ng Jing Si Books and Café.
Ginanap ang gawaing ito noong ika-13, 20 at 27 ng Abril 2009 sa Jing Si Books and Café na matatagpuan sa Soler Tower, 1342 Soler St., Sta. Cruz, Maynila.
Isa si Lola Mei Chen She sa mga nakabasa ng patalastas ng Jing Si Books and Café ukol sa gawaing ito mula sa isang pahayagan ng Tsino. Labis na naantig ang damdamin ni Lola She sapagkat nabatid niya ring ang mga proyekto ng Tzu Chi Philippines ay buong pusong inuukol sa mga kapus-palad nating kapatid. Kaya’t nagsadya siya sa bookstore upang ibigay ang mga naipong recyclable materials.
“Katunayan, maliit na ambag (recyclable materials) lamang ang aking naipagkaloob sa Tzu Chi at ginagawa ko lamang ang aking tungkulin,” ani Lola She.
Naglaan ng malalaking dram ang mga Tzu Chi volunteers upang maisaayos batay sa mga sumusnod ang mga recyclable materials: mga karton at papel, PET bottles, plastik na lalagyan, mga babasaging bote, tin cans, aluminum cans; at naglaan din ng isang dram para sa mga nabubulok na basura.
Workshop sa paggawa ng craft mula sa recyclable materials
Maliban sa pagtanggap ng mga recyclable materials, isang Do-It- Yourself (DIY) workshop sa paggawa ng craft na yari sa mga recyclable materials ang inilunsad ng Jing Si Books and Cafe sa 1342 Soler St., Sta. Cruz, Maynila na ginanap noong ika-14, 21, at 28 ng Abril, 2009.
Layunin ng naturang workshop na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang 17 kalahok ukol sa paggawa ng mga craft na yari lamang sa itinuturing na mga patapong bagay; linangin ang mga malikhaing kamay ng mga dumalo upang makalikha ng bagong produkto na hindi kinakailangan ng mahal na mga kagamitan; at higit sa lahat, imulat ang isipan ng lahat hinggil sa kasalukuyang epekto ng kapabayaan ng tao sa Kalikasan at sa Mundo.
Maliban sa kasiyahang nadama ng mga kalahok sa habang gumagawa ng iba’t ibang produkto sa workshop, napatunayang din nilang ang bawat isa ay may magagawang paraan kung nanaisin lamang at marapat na gamitin ang sariling kakayahan upang makatulong sa pangangalaga ng tanging planetang mapaninirahan ng tao, ang Mundo.
“Katunayan wala akong balak na sumali sa workshop na ito noong una akong inanyayahan. Ngunit, nang dumalaw ako sa Recycling Station ng Tzu Chi at nakita ko ang mga gamit na nilikha mula sa mga patapong bagay ay nahikayat na akong sumali sa workshop,” ani David Ting, isa sa mga kalahok.
Karamihan ay nakadarama ng kalungkutan dahilan sa pagkasira ng Inang Kalikasan ngunit hindi napapansin ng bawat isa ang naiaambag ng kanyang araw-araw na gawain sa pagkawasak na ito. Ngayon na ang tamang panahon upang tayo’y magbigay ng pagpapahalaga at paggalang sa ating Kalikasan at Mundo. |