Issue No.: 6
Pabatid ukol sa Mundo ng Tzu Chi
Muling Pasiglahin ang Ating Mundo
  
“Hindi dapat isantabi ang kakayahan ng isang tao. Walang bagay sa mundo ang hindi maaaring gawin at walang taong nabubuhay na hindi pinagkalooban ng sariling kakayahan, wala lamang kusang-loob na gumawa.” - Master Cheng Yen, Tagapagtatag ng Tzu Chi Foundation

Malubha na ang kalagayan ng ating planeta. Ano ang dapat nating gawin upang muli itong mapasigla?

Upang masimulan ang aksyon para sa ating planeta, dapat maging malusog ang puso ng bawat tao. Nararapat na mabatid natin ang mga pgdurusa sa mundong ito. Ang mga pagdurusa ay maghahatid sa atin ng katotohanan. Samakatwid, upang magising sa katotohanan, kailangan nating maunawaan ang pagdurusa na nagaganap sa buong mundo at ang katotohanan na lahat ng bagay sa mundo ay panandalian lamang.

Bilang bahagi ng planetang ito, lahat tayo’y magkakaugnay. “Ang mga nabubuhay na nilalang ay nakabubuo ng iisang karma.” Ang tinatawag na ‘iisang karma’ ay positibo kung ito’y binubuo ng mabubuting karma at mailalayo tayo sa mga sakuna. Subalit, kung maraming kasamaan ang nagawa, maghahatid ito ng mga kalamidad at sakuna. Ang bawat isa sa atin ay dapat mamuhay nang maingat at matalino; at sikaping mahubog ang diwa ng pagmamahal at kabaitan. Ito ang pinakamahalaga at makatutulong upang maging masigla ang ating planeta at magiging mapayapang tahanan.

Sa pagnanais na mapaigting ang kamalayan at hangarin ng bawat tao para sa mas malinis at masinop na pamayanan para sa mga susunod na henerasyon, inilunsad ng Tzu Chi Philippines ang kauna-unahang proyekto para sa pangangalaga ng kalikasan noong Setyembre 1999. Dito’y sinimulan ng mga volunteers ang pangongolekta ng mga recyclable materials mula sa mga paaralan, mga pangkalakalan na gusali at mga tirahan.

Kaugnay rin nito ang inagurasyon ng Tzu Chi Educational Recycling Center (TCERC) noong ika-16 ng Nobyembre 2008 sa Tzu Chi Great Love Campus, Bacood, Sta. Mesa, Manila upang magsilbing tahanan ng mga nagnanais makiisa sa ‘recycling activities’ ng Tzu Chi Foundation.

Ang mga pagsisikap ng volunteers para sa pangangalaga ng kalikasan ay nakatutulong din upang makalikom ng pondo para sa mga misyon ng Tzu Chi Foundation.

Nais mo bang makiisa sa mga gawain ng Tzu Chi Foundation upang masagip ang mundong tanging mapaninirahan ng tao?

Para sa mga nagmamahal sa ating kalikasan, bukas-palad namin kayong inaanyayahan na makiisa sa mga gawain sa TCERC mula Lunes hanggang Sabado, ika-8:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon. Isang hakbang ng pagdalisay ng puso ng mga tao upang masagip ang ating mundo mula sa patuloy na pagkasira nito.