 | “Ito ang kahulugan ng pagiging tao.”
Isang paglalarawan ni Padre Jose Gualberto Villasis, Dekano ng Aklan Catholic College, sa pagpupunyagi at pagmamalasakit ng mga volunteers ng Tzu Chi Foundation, Philippines. Nagsagawa ng emergency relief activity sa Aklan ang mga volunteers mula sa Lungsod ng Quezon at Cebu bilang tugon sa mga kababayang Aklanon na napinsala ng Bagyong Frank noong Hunyo.
Ang relief operation noong Hulyo 12 hanggang 13 ay sumakop sa mga bayan ng Kalibo, Numancia at Banga na nakatulong sa kabuuang bilang na 3,680 pamilya na nakatanggap ng 10-50 kilong bigas, kumot at tulong-pinansyal.
Ginanap sa dyimnasyum ng Aklan Catholic College noong ika-12 ng Hulyo ang pagbabahagi ng mga tulong. Umaga pa lamang ng araw na ito, nilinis ng mga Tzu Chi volunteers ang lugar bilang tanda ng pagbibigay-galang sa kanilang mga kababayan.
Sa hapon ng araw na iyon, tumuloy ang Tzu Chi volunteers sa malapit na munisipyo ng Numancia para sa isa pang relief activity sa covered court ng Barangay Bulwang. Sa ngalan ng Numancia, nagkaloob ng plake ng pagkilala sa Tzu Chi Foundation si Mayor Elverita Templonuevo para sa kanilang taos-pusong pagkakawanggawa.
Sumunod na araw, ginanap ang relief operation sa Banga. Sa hapon nito, namahagi ang mga volunteers ng bag at gamit sa paaralan sa 700 mag-aaral ng Bulwang Elementary School at Camansi Sur Elementary School. Nais din ng volunteers na mamahagi ng mga bag sa mga mag-aaral ng Kalibo at Banga ngunit hindi agad nakapagbigay ng listahan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa naturang mga munisipalidad.
“Sa 65 taon ng aking buhay ay hindi ko naranasan ang ganitong uri ng taos-pusong pagtulong, ngayon lamang nang dumating ang Tzu Chi sa aming buhay. Ang buong lalawigan ng Aklan ay hinahangad na mapasalamatan si Master Cheng Yen at lahat ng volunteers ng Tzu Chi Foundation,” ani Gobernador Carlito Marquez ng Aklan.
Liham ng Pagdamay
Habang namamahagi ng mga tulong, binasa ng mga Tzu Chi volunteers ang isang sulat mula kay Master Cheng Yen. Ipinahayag ni Master Cheng Yen ang pakikiramay sa mga biktima, karagdagan din nito na iniisip sila ng mga Tzu Chi volunteers sa buong mundo.
Dahil sa naranasang malakas na paglindol sa Taiwan noong 1999, nadarama ni Master Cheng Yen ang pakiramdam ng mawalan ng bahay, ari-arian, kabuhayan, at higit sa lahat ang mawalan ng minamahal sa buhay. Ipinaabot niya rin na ang pagdamay ng Tzu Chi Foundation ay magpapatuloy upang makatulong sa mga biktima ng kalamidad sa Pilipinas.
Sa pagkakataong nadama ng mga Aklanon ang dakilang pagmamahal mula sa mga Tzu Chi volunteers, pansamantala nilang tinakasan ang nakaaawang kalagayan at ibinahagi ang pagmamahal sa kapwa. Pinangunahan nina Gob. Marquez at Padre Villasis ang paglikom ng mga donasyon mula sa mga biktima. Binanggit ni Padre Villasis: “Ang pagdating ng Tzu Chi Foundation ang nagbigay sa amin ng inspirasyon na hindi lamang ang ating sarili ang dapat nating isipin ngunit subukan nating ipaabot ang tulong sa ating kapwa kahit sa munting paraan.”
Paggalang sa magulang
Habang ipinamimigay ang mga bag sa mga mag-aaral ng Numancia, muling binigyan ng pagkakataon ng Tzu Chi ang mga Aklanon ng pagkakataon upang mapagyaman ang kabutihang-loob sa isang maiksing palatuntunan. Ito’y naglalayong isabuhay ang pangaral ni Master Cheng Yen na ukol sa paggalang sa magulang.
Naglagay ng mga upuan at palanggana ang mga volunteers sa harap ng lugar na pagdarausan ng relief. Pinakiusapan nila ang mga ina na umupo sa bawat upuan. Samantala, pinaluhod ang mga mag-aaral sa tapat ng kanilang ina at hiniling ng mga volunteers na hugasan at linisin ang paa ng sariling ina.
Sa kabilang banda, ang mga bata ay nagpahayag na ang karanasang ito ay nagbigay-daan para mapagtanto nila ang mga sakripisyo ng kanilang mga magulang upang mabigyan lamang sila ng magandang kinabukasan. Nagpapasalamat sila dahil sa pagkakataong ito’y naipadama nila ang pagmamahal sa kanilang mga ina. Dagdag nila, “Ang paghuhugas sa paa ng aming ina ay hindi sapat upang suklian ang lahat ng kanilang sakripisyo at pagmamahal sa amin.”
Bisig ng pagmamahal
Sa tulong ng pangasiwaan ng Philippine Airlines at Asian Spirit, nakarating sa Aklan ang mga kahon ng kumot mula sa Taiwan.
Sa kabila ng mahigpit na kautusan ukol sa limitadong sako ng bigas na maaaring bilhin, kinilala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkakawanggawa ng Tzu Chi Foundation sa Pilipinas kaya’t pinahintulutan itong makabili ng 3,500 sako ng bigas sa National Food Authority (NFA) para sa mga Aklanon.
Dahilan sa kaunti na lamang ang panahong nalalabi, nakipag-ugnayan ang mga Tzu Chi volunteers sa lokal na pamahalaan upang humiling ng karagdagang tulong upang mai-repack ang mga bigas. Karamihan sa mga Aklanon ay kusang-loob na tumulong at kinilala ng mga Tzu Chi volunteers na mabigat itong gawain kaya’t tiniyak na lahat ng tumulong ay nabayaran nang sapat.
Ang tahanan ng Ati-atihan Festival
Ang Kalibo, kabisera ng Aklan, ay kilalang tahanan ng Ati-atihan Festival. Kapag sumasapit ang kapistahang ito, ang mga kalye ng Kalibo ay nagmimistulang pinakamasiglang lugar sa mundo. Ang tunog ng mga tambol ay nakikipagpaligsahan sa malalakas na pagsigaw ng “Hala-Bira!” ng mga nagtatanghal. Ang kakaibang kasuotan na dilaw, pula, at kahel ng mga tagapagtanghal ay nagbibigay-kulay rin sa pagdiriwang. Nang inilabas ng Bagyong Frank ang poot nito sa Aklan, ang tanawin sa Kalibo ay naging kabaliktaran ng mga paglalarawang ito.
Dumating sa Aklan ang mga Tzu Chi volunteers noong ika-3 ng Hulyo para sa panimulang sarbey. Nadatnan nilang ang mga pangunahing lansangan ng Kalibo ay nahadlangan ng mga makakapal na putik at mga kalat- nabunot na daantaong puno, mga natumbang poste ng ilaw, mga kable ng kuryente, mga nilipad na bubong at kahoy mula sa mga bahay at pang-komersyong gusali.
Winasak din ng Bagyong Frank ang halos lahat ng kabuhayan ng mga tao- sa larangan ng pagsasaka, pangingisda at paghahayupan.
Napatumba rin ng Bagyong Frank ang mga kuryente at maging himpilan ng mga telebisyon. Bumagsak din ang linya ng mga telepono at walang signal ang mga cellphone.
Ang bayan ng Numancia
Matapos ang pagsarbey sa mga bayan ng Kalibo, nagtungo naman sa bayan ng Numancia, 20 minutong ang byahe mula sa kabisera ng Aklan.
Habang nagsasarbey ang mga volunteers sa mga Barangay ng Bulwang, Camansi Sur at Camansi Norte, nakita nila ang mga tao na abala sa pagpapatayo ng mga nawasak nilang tahanan. Ngunit karamihan sa mga tao ay nahihirapang makabili ng mga materyales sa paggawa ng bahay bunsod ng mga nagtataasang presyo nito sa mga hardware.
Patuloy ang daloy ng pagmamahal
Ayon sa ulat ng Department of Health (DOH), patuloy ang pagtaas ng kaso ng iba’t ibang sakit sa Aklan kaalinsabay ng pananalasa ng Bagyong Frank. Nakabantay ang DOH sa mga ulat ukol sa dermatitis, conjunctivits (sore eyes), diarrhea, acute respiratory infection at iba pang nakamamatay na sakit tulad ng typhoid fever at dengue fever.
Ika-5 ng Hulyo, nagkaroon ng pagkakataon na magkaloob ng mga gamot sa Barangay Health Center dahil nakasama ng mga Tzu Chi volunteers ang kasapi Tzu Chi International Medical Association (TIMA) na si Dr. Robert Sy. Siya’y nakapagdala ng mga kahon ng gamot at iba pang medical supplies.
Ang Bagyong Frank ay naghatid ng kaguluhan sa buong lalawigan ng Aklan. Subalit, ang trahedyang ito ang naglabas ng kagandahang-loob ng mga Pilipino lalo na ng mga Aklanon. Nakiisa sila sa mga volunteers ng Tzu Chi Foundation sa paglilingkod sa mga kapwa biktima ng bagyo. |