 | Ginawa niyang maliit na tindahan ang isang bahagi ng kanyang tahanan at pininturahan ito ng kulay asul. Kahit maliit katulad ng mga kabahayan sa Dreamland, bukod-tangi ang bahay ni Rodolfo Delantar sa lahat. Ang tindahan niya’y napupuno ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, uling at iba’t ibang mga pagkain. Kung ihahambing sa kanyang mga kapitbahay na kumikita lamang ng P100 sa isang araw mula sa pagkakalkal ng basura o pangingisda, ang kanyang tindahan ay kumikita araw-araw ng halagang P3,000.
Maliban sa pagkakaroon ng mga materyal na bagay at pagbabago ng kalagayang pinansyal, ang magandang ngiti at pagiging malusog ay sapat na para kay Rodolfo at sa kanyang pamilya. Gayundin, nalampasan nila ang matinding unos sa kanilang buhay. Ayon sa kanila, hindi ito mangyayari kung hindi sila patuloy na nananalig sa Diyos at sa tulong ng Tzu Chi Foundation.
Ang Panimula
Si Rodolfo at ang kanyang asawang si Yolanda ay mula sa Quezon Province. Biniyayaan sila ng tatlong supling na sina Reshyl, Rodel at Roilan.
Nakaabot ng tatlong taon sa mataas na paaralan si Rodolfo, naging isang construction worker sa probinsya. Si Yolanda naman ay nasa bahay at inaalagaan ang kanilang mga anak. Para kay Rodolfo at Yolanda, mahirap ang buhay sa probinsya habang nagpapalaki ng tatlong anak. Ang kinikita ni Rodolfo ay hindi sapat sa lumalaking pangangailangan ng pamilya.
Ang ama ni Rodolfo na nakatira sa Dreamland ay hinimok ang anak na lumipat sa lugar upang magbakasakali na magkaroon ng mas magandang buhay. Sinabi niyang subukan ni Rodolfo ang pangingisda, magbibigay ito ng mas malaking kita kumpara sa sahod niya bilang construction worker.
Subalit hindi sang-ayon si Yolanda sa ideya. Noong una siyang pumunta sa Dreamland ng taong 2005, hindi niya nakaya ang mabahong amoy mula sa tambakan ng basura. Nasa syudad ngunit hindi sariwa ang kapaligiran tulad sa kanilang probinsya.
Makalipas ang ilang buwan, hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng pamilyang Delantar sa probinsya. Sa patuloy na panghihimok ni Rodolfo, napasang-ayon niya si Yolanda na lumipat sa Dreamland.
Sa kabutihang-palad, may pagbabago sa lugar nang sila’y dumating. Wala nang nakatambak na basura sa daanan. Tulad ng sinabi ng ama ni Rodolfo, mas maalwan ang buhay doon kaysa sa probinsya.
Mula sa kinita ni Rodolfo sa pangingisda, nakabili sila ng bangkang de motor na nagkakahalaga ng P 6,000. Hindi nila alintana ang tinitirahan na malapit sa tambakan ng basura.
Isang araw sa laot
Mahigit isang taon na silang naninirahan sa Dreamland ngunit taliwas ang nangyayari sa inaasahan nilang buhay sa lugar. Isang araw ng Nobyembre 2006, isang karaniwang araw kay Rodolfo sa karagatan. Sa unang paghagis ng lambat ay kaunti lang ang isdang kanyang nahuli. Ang dagat na naging kaibigan ay tila nangangalit. Marahil ito’y sumuko na dahil sa mga basurang nakaabot sa dalampasigan nito.
Matapos ang mahabang oras na paghihintay, umuwi si Rodolfo bitbit ang kanyang lambat ng may isang dakot ng isda.
Sumunod na araw, naramdaman ni Rodolfo na namamanhid ang kanang braso. Inaakala niyang sanhi lamang iyon ng pagkababad ng balat sa dagat. Naisip niyang mawawala ang pamamanhid kung maiinitan kaya’t inilapit ni Rodolfo ang braso sa pambombang motor ng bangka. Ang init na lumalabas mula dito ay nanunuot sa kalamnan ng kanyang bisig, kahit paano’y nabawasan ang pamamanhid, ngunit lingid sa kaalaman ni Rodolfo, ito ang panimula ng pinakamahirap na yugto sa kanyang buhay.
Nagsimulang mamaga ang braso ni Rodolfo. Nagdurugo at nilalabasan ito ng nana kapag nadiinan. Siya’y nilalagnat at labis na sumasakit ang namamagang braso. Bumagsak din ang kanyang kalusugan. Nakaratay lamang siya sa higaan at tuluyang hindi na makapaghanapbuhay. Magastos ang gamutan at pagkonsulta sa doktor kaya’t naisipan ng mga anak na magkalkal ng basura upang matulungan ang kanilang magulang.
Ang dalawang nakatatandang anak ni Rodolfo, sina Reshyl at Rodel, ay nagkusang loob na maghanap ng mapapakinabangan sa basurahan na kanilang ibinibenta sa mga junk shop. Sa gulang na 10 at walo, sina Reshyl at Rodel, ay napagtantong ang kanilang mga minamahal na magulang ay labis na nagigipit.
Kumikita lamang ng P20 ang mga bata mula sa pagbabasura. Hinalinhinan ni Yolanda ang asawa sa paghahanapbuhay kaya’t nagsimula siyang magtinda para kumita. Nagigising siya ng alas tres ng madaling araw upang magtinda ng mga prutas at daing. Tangan ang isang buslo, nakakaabot si Yolanda hanggang Tanza, Cavite upang ilako ang kanyang mga paninda ngunit hindi pa rin sapat ang kanyang kinikita.
Halos sumuko na si Yolanda. Napakahirap ng kanilang kalagayan, nais niyang magtiis ngunit ang patuloy na kamalasan na nangyayari sa kanilang buhay ang nagpapahapis sa kanya.
Isang araw, nasagi si Yolanda ng isang sasakyan habang siya’y naglalako ng paninda. “Hindi ko mapagtuunan ng pansin ang aking mga itinitinda, palagi kong iniisip ang aking asawa at mga anak. Paano kaya namin malalampasan ang mga paghihirap na ito?”
Malayo ang mga magulang at kamag-anak ni Yolanda. Nagigipit naman ang pamilya ni Rodolfo. Wala na siyang ibang mapagkukunan ng lakas maliban sa sariling pamilya.
Bumalik sa kanyang alaala ang sumpaan nilang mag-asawa sa harap ng Diyos: sila’y magsasama sa kalakasan at kahinaan, sa hirap at ginhawa. Ipinikit ni Yolanda ang kanyang mga mata at pinalalakas ang kanyang loob. Alam niyang sa sandaling iyon, umaasa sa kanyang katatagan ang pamilya upang malampasan ang lahat ng pagsubok.
Ipinagpatuloy ni Yolanda ang paghahanapbuhay at katambal nito ang mga panalangin na gumaling ang kanyang asawa. Hindi niya lubos akalaing ang pagsubok ay magbubukas ng pinto ng pag-asa para sa kanilang pamilya.
Naaayong pagdating ng tulong
Agosto 2006.Natuklasan ng Tzu Chi volunteers ang Dreamland sa gitna ng relief operations para sa mga biktima ng bagyong “Reming”. Dito’y nakatuos nila ng landas ang isang lalaking nababakas sa mukha ang kawalang pag-asa.
Habang magkasabay ang pagsusumikap sa pagbibigay ng relief at medical mission para sa ibang residente ng Dreamland, isinangguni si Rodolfo kay Dr. Patrick Leh ng Chinese General Hospital. Dapat sana’y puputulin ang naimpeksyong braso ni Rodolfo ngunit naagapan ito dahil sa kahusayan ni Dr. Leh at agad na pagkilos ng Tzu Chi volunteers.
Sinagot ng Foundation ang lahat ng gastusin ni Rodolfo sa pagamutan at ibang pang pangangailangan. Matapos ang pananatili sa ospital, nakauwi si Rodolfo na kumpleto ang mga bahagi ng katawan at may mas masiglang pananaw sa buhay. Si Yolanda naman ay salamin ng isang masayang maybahay at inang nagwakas ang mga suliranin.
Ang bunga ng pagsisikap, panalangin at pasasalamat
Enero 13, 2006. Muling dumalaw ang Tzu Chi volunteers para sa relief activity, isang Rodolfo na napupuno ng kasiglahan at pag-asa ang magiliw na bumati sa kanila. Nagtayo ang kanyang pamilya ng maliit na tindahan. Ang puhunan na P500 ay kanilang hiniram sa mga kamag-anak.
Makalipas ang tatlong buwan, nakita ng Tzu Chi volunteers na ang maliit na tindahan ni Rodolfo ay dinadagsa ng mga taga-Dreamland.
“Ito ang aming pangunahing pinagkakakitaan. Nababagay na tagapagbantay ng tindahan si Rodolfo. Nanumbalik din ang kanyang lakas ng loob na tumayo bilang haligi ng tahanan,” masayang pahayag ni Yolanda. Isinalaysay din niya ang mabubuting bagay na nangyari sa kanilang buhay.
“Hindi namin alam ang gagawing pasasalamat sa Tzu chi Foundation. Dahil sa inyo, naging maayos ang aking buhay. Marahil patay na ako ngayon o naputol na ang aking braso. Subalit, nariyan kayo upang ipaabot ang inyong tulong at malasakit tulad ng isang tunay na kapamilya.”
Maliban sa tindahan, isang positibong landas ang naaaninag ni Rodolfo. Mula sa araw-araw nilang kinikita, maari na silang lumipat sa mas maayos na lugar na walang basura sa paligid. Ngunit sinabi ni Rodolfo, “Natutunan ko nang mahalin ang lugar na ito. Dito na ako mananatili habang ako’y nabubuhay.”
Sa kasalukuyan, ang Dreamland ay malapit sa tambakan ng basura, walang kuryente, walang palikuran, kulang sa mapagkukunan ng malinis na inuming tubig at maging sapat na trabaho. Ang matinding paninindigan ni Delantar ang nagtapos ng mga pagsubok at nagpabago sa kanyang pamilya. Natutunan din niya ang pagiging kuntento sa kanyang buhay.
Ang kababaang-loob ay halintulad sa bulaklak ng lotus na umuusbong sa maburak na tubig. |