 | Maliban sa pagbibigay ng mga aklat at school supplies sa mga mag-aaral ng Maguyam Elementary School at Kaong National High School sa Silang, Cavite, inilunsad din ng Tzu Chi Foundation ang ika-115 medical mission nito noong ika-26 ng Hulyo 2009 sa Silang Central Elementary School upang matugunan naman ang mga suliraning pangkalusugan ng mga maralitang Caviteño.
Umabot sa 2,132 ang kabuuang bilang ng pasyente na nahati ayon sa mga sumusunod na larangan: 384 para sa General Medicine, 567 sa Pediatrics, 521 sa Dental, 455 ang nagpasuri ng paningin at nabigyan ng salamin at umabot naman sa 125 pasyente ang sumailalim sa Minor Surgery.
Magkaagapay sa pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga pasyente ang 100 kabuuang bilang ng mga propesyunal sa medisina na kinabibilangan ng mga kasapi ng Tzu Chi International Medical Association (TIMA) at lokal na mga nars at doktor, 131 sa hanay ng mga lokal na volunteers, at 222 Tzu Chi volunteers.
Ilang araw bago ginanap ang medical mission ng Tzu Chi Foundation, namahagi ang Tzu Chi volunteers ng mga palatastas sa ilang mahihirap na lugar sa Silang, Cavite upang
mas maraming makapunta at matulungan ng Foundation.
Isa sa libo-libong katao na nakabatid ng medical mission ay ang 26 taong gulang na inang si Helen Cardiño. Umaga pa lamang, pumila na siya para maipasuri ang kanyang tatlong anak na halos isang linggo nang mayroong ubo at sipon.
“Sa hirap ng buhay ngayon, minsan ko lang sila napapacheck-up kaya kapag may sakit ay pinapahilot ko na lang. Para naman gumaling ang kanilang ubo, minsan pinapainom ko ng oregano (isang uri ng halamang gamot) o kapag may pera bumibili ako ng antibiotic na generic. Sinikap kong makapunta ngayon dito dahil libre ang check-up at gamot.” ani Cardiño.
Sa pagkakataong ito, binuksan ng Tzu Chi Foundation ang pagsasagawa ng minor surgery para sa Caviteño na may cyst o bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kabilang sa mga pasyenteng naoperahan sa cyst na matatagpuan sa kanang balikat at kaliwang hita ay si Rafael Dimailig, 52.
Aniya, tinatayang nasa 15 taon na niyang iniinda ang mga naturang cyst. Noon, labis niyang pinangangambahan na mauwi ang mga ito sa kanser. Diumano, nagkakahalaga ng P15,000 ang halaga ng operasyon sa isang cyst sa pribadong klinika at hindi ito kayang masuportahan ng kanyang pamilya.
Matapos ang kanyang operasyon sa Tzu Chi, binanggit ni Dimailig na “Napakalaking bagay ito (medical mission) para sa sambayanan ng Cavite. Lubos ang aming pasasalamat lalo na ang mga libreng gamot na binibigay at maging ang suporta at pagkalinga nila (Tzu Chi volunteers).”
“Nagpapasalamat ako sa doktor dahil naging maayos ang operasyon ko at wala akong naramdamang sakit. Para sa Tzu Chi, nagpapasalamat ako dahil hindi lang ako ang natulungan nila gayundin ang mga anak ko sa eskwelahan (Maguyam Elementary School),” wika ni Rebecca Alfaro, isa rin sa mga pasyenteng naoperahan sa kanyang 10 taong cyst na nasa likod na bahagi ng kaliwang hita.
Samantala, inilapit naman sa Social Service Office ng Tzu Chi Foundation ang 72 pasyenteng nangangailangang sumailalim sa major operation at masusing pagsusuri. Ito’y upang mabigyan ng dagliang aksyon ang kanilang mga suliranin sa mga kaanib na ospital ng Foundation.
Misyon sa ngalan ng pagmamahal
Sa kaganapang ito, tuwirang masasalamin na ang pagmamahal ay hindi natatakdaan ng pagkakaiba sa lahi at relihiyon. Dito’y buong pusong tinanggap ng mga Tzu Chi volunteers na karamiha’y mga Budista, ang pakikiisa ng Adventist Community Service (ACS) Pasay Team sa ilalim ng relihiyong Seventh Day Adventist o Sabadista.
“Hindi mahalaga ang pagkakaiba sa relihiyon dahil ang ating layunin ay tulungan ang mga taong nangangailangan ng ating serbisyo. Para sa Tzu Chi Foundation, nawa’y ipagpatuloy ninyo ang napakagandang simulain,” banggit ni Dr. Miriam Acosta, kabilang sa ACS.
Bagama’t 75 taong gulang na si Dr. Acosta, aktibo pa rin siya sa mga medical mission ng kanilang samahan. Sapagkat naantig ang damdamin ni Dr. Acosta sa mabuting hangarin ng Tzu Chi Foundation, sinabi niyang sisikapin niyang makadalo sa mga susunod pang medical mission ng Tzu Chi.
Bilang pagkilala sa pakikiisa ng mga doktor at nars sa ika-115 medical mission ng Tzu Chi Foundation, buong paggalang na naghandog sa kanila ng mga thermal blankets mula sa Taiwan ang ilan sa mga kasapi ng TIMA at Tzu Chi volunteers. Sinisimbolo ng blanket na ito ang pagmamahal at pasasalamat ng Tagapagtatag ng Tzu Chi Foundation na si Master Cheng Yen.
“Isa itong handog (token) dahil sa pagtulong nila sa Tzu Chi,” ani Dr. Antonio Say, isa sa mga mahuhusay na optalmologo ng TIMA.
Isang mensahe ng pasasalamat naman ang ipinaabot ni Dr. Robert Sy, isang dalubhasang surgeon ng TIMA, “Para sa akin, sila (pasyente) ang nagbigay sa akin ng biyaya kaya nagpapasalamat ako sa kanila. Dahil kung wala sila hindi tayo makatutulong sa mga taong nangangailangan.” |