Issue No.: 23
Pangunahing Balita
Tzu Chi Great Love Eye Center: Nagpapanumbalik ng Paningin at Pag-asa
Sa panulat ni: Anton Mari Lim
Isinalin ni: Nyanza Nakar
  
Simula nang itinatag ang Tzu Chi Zamboanga Liaison Office noong ika-6 ng Mayo 2006, kauna-unahang naging programa nito ang pagsagip sa mga paningin sa tulong ng Cataract Foundation of the Philippines sa Bacolod.

Matapos ang libreng operasyon ng 2,000 pasyente sa katarata (315 ang naoperahan noong nakaraang taon) at pamamahagi ng mga salamin para sa mata, isang patunay ang Tzu Chi volunteers na nag-aalay ng kanilang serbisyo sa Tzu Chi bilang biyaya ng Panginoon. Sa loob ng 30 minuto, naibabalik ng mababait na doktor ang paningin ng mga pasyenteng may katarata. Nanunumbalik din ang pag-asa at natutulungan ang buong mag-anak dahil karamihan sa mga pasyente ay pangunahing tagapagtaguyod ng kanilang pamilya.

Sa pagpapala at inspirasyon mula kay Master Cheng Yen, pagmamahal ng mga Tzu Chi volunteers sa buong mundo, nakagawa ng plano ang Tzu Chi Zamboanga ukol sa ipapatayong Tzu Chi Great Love Eye Center (TCGLEC). Ito’y nagsimula nang pinapili ng Zamboanga City Medical Center (ZCMC) ang Tzu Chi Foundation ng lugar na pagtatayuan ng klinika para sa mata.

Ang mga lokal na kasapi ng Tzu Chi at si Engr. Mico Lee ng Tzu Chi sa Maynila ay nagkaisang magpatayo ng isang mapapakinabangan at makabagong eye center. Ang huling perspektibo ay ipinadala sa punong tanggapan ng Tzu Chi sa Taiwan upang mapagtibay.

Napagkasunduang mamahala sa nabanggit na proyekto ang Tzu Chi volunteers na sina Nixon Go at mga kasaping arkitekto na sina Gerry Maizo, Jim Duco at Jerome Go.

Isang makabagong Eye Center
Ang plano ay pagpapatayo ng makabagong Eye Center na tatawaging TZU CHI GREAT LOVE EYE CENTER. Ang 1,500 sqm. at dalawang palapag (750 square meter bawat palapag) na gusali ay itatayo sa lupaing may kabuuang sukat na 1,000 sqm. at katapat ng Pediatric Ward sa loob ng ZCMC. Magiging permanenteng bahagi ng Center ang ZCMC Department of Ophthalmology.

Sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Tzu Chi Philippines at ZCMC; ang ZCMC ang magbibigay ng lupa na habang-panahong gagamitin para sa eye center at magpapatayo ang Tzu Chi ng dalawang palapag na gusali at hindi gagastos ng anumang halaga ang ZCMC o ang pamahalaan.

Ang pusong pinagtibay ng matapat na pangako at pagtulong
Bago pa man simulan ang proyekto sa TCGLEC, batid na ng Tzu Chi Zamboanga volunteers ang kahalagahan nito at maraming handang magsakripisyo para dito. Ang kanilang munting sakripisyo at pagtulong ay makapagpapanumbalik ng pag-asa at makapagbabago ng buhay ng mga kapus-palad. Nananaig ang pagmamahal sa puso ng volunteers at bukal sa loob na nangakong ibibigay ang kanilang makakaya para sa bagong pagkakataon na makapaglingkod.

Ang Groundbreaking
Noong ika-26 ng Agosto 2006, pormal na pinasimulan ang seremonya para sa groundbreaking ng TCGLEC sa pangunguna nina DOH Undersecretary Dr. David J. Lozada, Congresswoman Beng Climaco, Congressman Erbie Fabian, Mayor Celso L. Lobregat at iba pang mga panauhing pandangal.

Idineklara ni Zamboanga Mayor Lobregat ang ika-26 ng Agosto bilang Annual Tzu Chi Day taun-taon sa Zamboanga City kaya’t nasorpresa ang mga kasapi ng Tzu Chi. Isang bukod-tanging pagpapahalaga na ipinagkaloob sa Tzu Chi na nakatala sa kasaysayan ng lungsod.

Habang nalalapit ang araw ng groundbreaking, biglang napaisip ang Tzu Chi Zamboanga volunteers ukol sa kanilang proyektong. Wala pang nakagagawa ng proyektong tulad nito sa Zamboanga mula sa anumang Non-Government Organization (NGO), maging lokal o banyaga. Ipinayo sa kanila ni Master Cheng Yen na “Simulan na at huwag nang alalahanin ang maraming bagay!” Tiniyak rin niyang dahil sa pagtitiyaga, pagkakaisa, at dalisay na pangako, walang hindi matutupad.

Nagpapatuloy ang daloy ng pagmamahal sa tulong ng inspirasyon mula kay Master Cheng Yen, sa mga sumusuporta sa kapatiran ng Tzu Chi sa Maynila, Cebu at Taiwan at ang pakikiisa ng mga lokal na pamayanan. Ito’y dahil sa tinangkilik ang mga charity bazaar sa Maynila at Zamboanga at naging matagumpay ang “A Night of Great Love.” Ito’y isang konsyertong musikal na ginanap sa tulong ng Daai Mama ng Maynila, Tzu Chi Manila Sign Language Team at ng Zamboanga Hermosa Chorale. Dinaig ng Tzu Chi Zamboanga ang mga tala ng gawaing fund-raising sa rehiyong ito ng Pilipinas.

Ang paggawa nang may pagmamahal, isang luntiang gusali
Umpisa pa lamang ng konstruksyon, isinasagawa na ng Tzu Chi volunteers ang “Save the Planet Earth Program” mula kay Master Cheng Yen. Ang tubig mula sa ulan ay ginagamit sa konstruksyon. Samantala, napapakinabangan din ang mga kahoy mula sa ginibang mga gusali, at ang matitibay na kahoy mula sa mga kaing ay ginagamit sa paggawa ng istante, kabinet, at maliliit na kasangkapan para sa eye center. Ang arkitektural na disenyo ay inspirasyon mula sa gusali ng paaralang ipinatayo ng Tzu Chi sa Bam, Iran.

Isang panaginip na natupad, isang pangakong naganap, ang bisa ng pagsusumikap
Enero 18, 2008. Isang mapalad na araw para sa lungsod ng Zamboanga. Ganap na ika-7:00 pa lamang ng umaga ay nasa Eye Center na ang karamihan sa Tzu Chi volunteers upang mag-ensayo sa huling sandali para sa seremonya ng inagurasyon. Ika-8:00 ng umaga, dumating ang Tzu Chi volunteers ng Maynila sa pangunguna ng pangulo ng Tzu Chi Foundation na si Manuel Siao.

Pagpatak ng ika-9:00 ng umaga, bumuo ng dalawang linya habang hawak ang dalawang pulang tela ang mga pangunahing panauhin na sina DOH Undersecretary Dr. David J. Lozada, Mayor Celso Lobregat, Congresswoman Beng Climaco, mga konsehal ng lungsod, Dr. Romeo Ong, Archbishop Romulo Valles at kinabilangan din ng Tzu Chi volunteers at Tzu Chi International Medical Association (TIMA) volunteers. Sa bilang na tatlo, marahan na hinila ang isang pulang tela bilang hudyat sa panimula ng inagurasyon ng TCGLEC.

Malugod na binati ni Dr. Romeo Ong ang mga panauhin at pinasalamatan si Master Cheng Yen para sa panibagong handog niya sa ZCMC.

“Katulad ng Tzu Chi Great Love Rehabilitation at Jaipur Foot Rehabilitation Center na nakatulong sa ilang libong mahihirap, ang Eye Center ay magsisilbing liwanag para sa mga taong hindi lamang taga-Zamboanga gayundin sa mga nasa karatig-lugar,” pahayag ni Dr. Ong.

Pinasalamatan din ni Mayor Lobregat si Master Cheng Yen dahil sa kahanga-hanga nitong handog na makapagpapanumbalik ng paningin at pag-asa sa mga mahihirap na residente. Inihayag rin niyang muling makatatangap ng Gawad Zamboanga Hermosa ang Tzu Chi Zamboanga. Ito’y mula sa lungsod at ipararangal sa ika-26 ng Pebrero 2008 kasabay ng pagdaraos ng City’s Charter Day. (Ang unang gawad ay ipinagkaloob sa Tzu Chi Zamboanga sa panahon ng panunungkulan ng yumaong Mayor Maria Clara Lorenzo Lobregat, ang ina ng kasalukuyang mayor).

Ibinahagi ni Archbishop Valles, ang pinakamataas na paring Katoliko sa lungsod ng Zamboanga, na marami siyang naririnig hinggil sa mga naitulong ng Tzu Chi sa mahihirap. Hindi niya inaasahang makikita niya ang isang napakaganda at modernong eye center na maaaring makipagtagisan sa mga mahuhusay na klinika sa Maynila. Humanga rin siya sa mga nagawa nito at naantig nang nalaman niyang ang tagapag-ugnay ng Tzu Chi Zamboanga ay isang Katoliko.

Kaalinsabay ng inagurasyon ang ika-40 Tzu Chi Medical Mission ng Tzu Chi Zamboanga na tumugon sa 103 pasyente sa surgery na kinabibilangan ng thyroidectomy, hernia repair, cataract excision at pterygium scrapings. Dito’y nagkaisa ang 120 TIMA doctors, 78 Tzu Chi volunteers at 26 lokal na volunteers sa paglilingkod sa mahihirap na pasyente nang may dakilang pagmamahal.