Issue No.: 29
Pangunahing Balita
Pagbabahagi ng Pagmamahal ng Tzu Chi Foundation sa Molave Youth Home
Nyanza Nakar
  
Quezon City - Bilang pagpapatuloy ng hangaring maipadama ang pagmamahal at pagmamalasakit sa bawat sulok ng mundo at maging sa mga taong nagkasala sa mata ng batas at lipunan, buong kalugurang inilunsad ng Tzu Chi Foundation, Philippines ang ika-33 Libreng Serbisyong Dental nito noong ika-11 ng Agosto, 2009 para sa mga kabataang nasa ilalim ng pangangalaga ng Molave Youth Home (MYH).

Magkaagapay sa pagbibigay-serbisyo sa mga kabataan ang tatlong dentista ng Tzu Chi International Medical Association (TIMA) na sina Doktor Drenan Uy, Anna Oliva, Benito Ledda at isang aktibong lokal na dentista na si Dr. Girlie Tiu, at kabuuang bilang na 24 volunteers ng Tzu Chi Foundation.

Umabot sa 70 kabataan ang nabigyan ng libreng serbisyo tulad ng pagbunot, paglinis o pagpasta sa ngipin. Sila’y malayang pinapili ng serbisyong dental na nais nilang matamo.

“Nais naming iparating ang buong pusong pasasalamat sa inyo. Kayo’y hulog ng langit na matagal na naming hinihintay. Sanay’ pagpalain pa kayong lahat ng Diyos,” wika ng 21 taong gulang na si Joseph (hindi niya tunay na pangalan).

Ang Molave Youth Home ay isang institusyon na itinatag noong bandang 1970 na nasa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Quezon City. Ito’y nagsisilbing rehabilitation center para sa mga kabataang hanggang gulang na 18 na nagkasala sa batas o tinatawag na “children in conflict with the law (CICL)”.

Nilalayon ng MYH na maituwid ang landas ng mga CICL sa pamamagitan ng pamamalagi sa rehabilitation center kaalinsabay ng pagsailalim nila sa mga programang kaugnay ng paghubog sa moral at ispiritwal na pagkatao. Sa kabilang banda, ang panahon ng pamamalagi ng mga CICL ng Molave Youth Home ay nakabatay sa kanilang naging kaso at parusang naipataw ng korte.

Ang institusyong ito ay may sariling mga social workers at medical staff na tumatayong mga magulang at tumutugon sa pangangailangan ng mga CICL. Tinuturuan din ang mga kabataan ng mga pangunahing asignatura sa paaralan tulad ng Matematika, Siyensya, Ingles, Pilipino at iba pa na may tumatayong mga guro; at bawat isa sa kanila ay may sariling nakaatas na gawain sa araw-araw na tulad sa isang tahanan.

Ang natatanging programa ng institusyon na nakapokus sa pangangalaga ng kapakanan at paghubog ng pagkatao ng mga CICL ay umani ng parangal na Gawad Galing Pook 2005 mula sa Republika ng Pilipinas.

Naging daan din ang dental mission upang mapakinggan ng mga Tzu Chi volunteers ang iba’t ibang kwento ng pag-asa, pagsisisi at pagbabagong-buhay ng mga CICL. Kaya naman abot hanggang langit ang pagpapasalamat ng mga volunteers dahil sa pagkakataong ito ay naipadama nila pagdamay, pagmamahal at pagmamalasakit sa 142 CICL ng MYH.

Bilang pagkilala sa kabutihang-loob ang mga Tzu Chi volunteers, nagtanghal ng dalawang natatanging bilang ang mga CICL na may kakayahan sa pag-awit at pagsayaw. Gayundin, namahagi ang mga CICL sa bawat Tzu Chi volunteer ng mga bulaklak yari sa papel na kanila ring personal na ginawa.

“Kung hindi kayo dumating, hindi matutugunan ang aming mga suliranin sa ngipin. Sana pagpalain kayo (Tzu Chi volunteers) at humaba pa ang inyong buhay nang sa gayon ay mas marami pa kayong matulungan,” ani Juan (hindi niya tunay na pangalan).

Ayon kay Juan, tatlong buwan nang sumasakit ang kanyang ngipin at kailangan pa niyang hintayin ang kautusan ng korte ukol sa kanyang kahilingan na makapagpagamot sa klinika sa labas. Naunawaan niya na naisin man ng mga kawani ni MYH na siya’y matulungan, wala rin silang magawa sapagkat kailangan nilang sumunod sa umiiral na batas para sa katulad niyang CICL.

“Sa loob ng 14 taon kong paglilingkod dito (MYH) ay ngayon lamang ako nakatagpo ng grupo (Tzu Chi Foundation) na hindi lamang nagbigay ng lunas sa mga suliranin sa ngipin bagkus nagbahagi din ng mga aral para sa mga kabataan. Sana bumalik ulit kayo sa amin dahil madalas kaming nangangamba kung kanino lalapit para matugunan ang kakulangan namin sa mga serbisyong pangkalusugan,” wika ni Anthony Quinagon, isang social worker ng MYH.

Isang araw kapiling ang mga CICL

Sa pagtapak pa lamang ng mga Tzu Chi volunteers sa pinto ng Molave Youth Home, sinalubong na sila ng mainit na pagbati at matatamis na ngiti ng mga kawani ng institusyon.

Higit na naligayahan ang mga puso ng mga Tzu Chi volunteers nang masigla silang binati ng mga kabataang nakaupo sa sahig at maayos ang pagkakahanay. Sila ay mga kabataang pawang naghihintay na magsimula ang dental mission.

Matapos ang ilang saglit, nagsalita sa kanilang harapan ang isang Tzu Chi volunteer upang ipakilala ang samahan at ang mga misyon nito.

“Nandito kami ngayon para magbigay sa inyo ng libreng serbisyo dahil alam namin na hindi naman kayo maaaring magpagamot sa labas. Marahil kung masakit man ang inyong ngipin, tinitiis niyo na lang ito. Gusto namin kayong matulungan kaya kami naririto at wala kaming hinihintay na anumang kapalit,” pahayag ng isang volunteer.

“Napansin namin na mayroon ditong ilang kabataan na wala ng ngipin kaya’t mamaya ay maaari kayong magpalista para mabigyan kayo ng libreng pustiso. Maaari rin kayong mamili kung anong service ang gusto ninyo para sa inyong mga ngipin,” dagdag ng volunteer at masigabong palakpakan naman ang naging tugon ng mga CICL at ng mga kawani ng MYH. “Umasa kayo na hindi ito ang katapusan dahil ang Tzu Chi po ay nagsisimula pa lamang sa pagtulong sa inyo.”

Namahagi rin ang mga Tzu Chi volunteers ng mga pahayagan at Jing Si Aphorisms booklet na naglalaman ng mga salawikain mula sa Tagapagtatag ng Tzu Chi Foundation na si Master Cheng Yen. Matapos itong mabasa, maaaring mapaisip ang mga kabataan o sinuman at mapagninilayan ang kahalagahan ng kanilang mga magulang at mapagtatanto ang kahulugan ng buhay.

Pagtanggap pa lamang ng booklet ng 18 taong gulang na si Abel (hindi niya tunay na pangalan), binasa na niya ito agad at higit na nakapukaw sa kanyang damdamin ay ang salawikain na “Dalawang bagay sa mundo ang hindi maaaring makapaghintay: paggalang, pagmamahal at paglilingkod sa magulang, at paggawa ng kabutihan.”

Iniugnay ito ni Abel sa kanyang buhay at nabanggit niyang “Noong nasa labas pa po ako hindi ko iniintindi ang aking mga magulang dahil masaya na ako basta kasama ko ang barkada ko. Talagang nakonsensiya ako nang nakita ko ang nanay ko na iyak nang iyak noong nakulong ako. Kapag lumaya ako dito, mas pahahalagahan ko na sila at hindi na ako gagawa ng mga bagay na makakasakit sa damdamin ng mga magulang ko.”

Si Abel ay tatlong buwan nang nakapiit sa Molave Youth Home dahil sa kasong pagnanakaw. Sa kanyang musmos na edad, naranasan na ni Abel na makulong sa presinto at dito’y hindi siya kumakain ng ilang araw dahil walang rasyon ng pagkain.

Matapos ang pagbibigay-serbisyo sa mga lalaking CICL, inanyayahan naman kababaihang CICL na magtungo sa lugar na pinagdarausan ng dental mission. Kabilang sa walong kababaihan na nakapiit sa MYH ay ang 12 taong gulang na si Karen (hindi niya tunay na pangalan).

Bago magpabunot ng kanyang ngipin, ikinuwento ni Karen sa nakapalagayang-loob na Tzu Chi volunteer ang kanyang karanasan. “Kaya po ako nakulong dahil nasangkot ako sa pakikipag-away ng aking kabarkada. Hindi po alam ng nanay ko na nakakulong ako ngayon dito dahil nasa Japan siya. Sana makalabas na po ako at hindi na ako sasama sa mga kaibigan na alam kong magbibigay sa akin ng masamang impluwensiya.”

Isang malumanay na pahayag naman ang itinugon ng Tzu Chi volunteer na nakausap ni Karen. “Tandaan mo palagi na ang masamang kaibigan ang sumisira sa magagandang ugali ng isang tao. Kung ano ang ugali ng kaibigan mo, maaari ka niyang maimpluwensiyahan. Dapat piliin mo lamang ang mga kaibigan na iyong sasamahan at pumili ka ng mabubuting kaibigan.”

Umaasa ang mga Tzu Chi volunteers na sa panahon na matamo ng mga kabataang ito ang kanilang inaasam na kalayaan, nawa’y mabuksan ang kanilang puso na ialay ang kanilang sarili sa kapwa at bagtasin nila ang tamang landas ng buhay upang kailanma’y hindi na sila muling maligaw ng landas.