 | Makabubuti na mabuhay sa isang araw at maunawaan ang Dharma sa halip na mabuhay ng daantaon na hindi ito nababatid. Ngunit maaari kayang maging mali ang Dharma? Paano natin malalaman na naipasa ito sa ibang henerasyon nang wasto?
Si Ananda, pinsan ni Buddha, ay isa sa kanyang 10 na nangungunang disipulo. Bilang tagapaglingkod ni Buddha, madalas siyang nasa tabi nito. Dahil sa kanyang bukod-tanging memorya, sumikat si Ananda dahil sa pakikinig at madaling pagkasaulo ng mga aral ni Buddha, kaya’t siya’y nakilala bilang madunong na disipulo nito.
Matapos matamo ni Buddha ang nirvana (kaliwanagan), nagpatawag ng isang pulong ang Sang Ha upang maitala ang kanyang mga aral. Naihalal bilang kinatawan si Ananda upang bigkasin at isalin ang mga aral.
Lumipas ang panahon at tumanda na si Ananda. Sa panahong ito, ang mga nananalig ay natututo ng Budismo sa pamamagitan ng mga pasalin-salin na salita. Isang araw, pumunta sa Abode ng Bamboo Grove si Ananda. Narinig niya ang batang mongha na nagbibigkas ng berso ni Buddha ng ganito, “Makabubuti na mabuhay lamang ng isang araw at makakita ng isang tagak (uri ng ibon) sa halip na mabuhay ng daantaon na hindi man lamang nakakakita ng isa.”
Sa pagkakarinig ng ganito, nanghina ang puso ni Ananda. Siya’y nalungkot at nabalisa, napapaisip siya kung bakit ang tamang Dharma na kakikitaan ng tao ng katotohanan ay mabilis na nawala at kung bakit ang aral ni Buddha na naitala sa pulong at pinalago ng mga salita sa bibig, ay napuno ng kamalian, pagkiling at pag-aalinlangan. Kung magpapatuloy sa pagsalin ng Dharma sa ganitong paraan, tulad na lamang ito ng pagkaligaw ng isang tao na magtuturo sa iba pa ng maling landas. Tunay na katakut-takot ito.
Pagwawasto ng mali ngunit….
Naisip niya ang panganib na idudulot ng pagkaligaw ng landas ng mga tao, naramdaman ni Ananda na tungkulin niyang ituwid ang lahat ng bagay. Kaya’t nagtungo siya sa batang mongha at pinakiusapan niyang muling bigkasin ang berso. “Hindi iyan ang wasto, “ ani Ananda matapos ang pagbigkas. “ Ang tama ay ganito: ‘Makabubuti na mabuhay sa isang araw at maunawaan ang Dharma sa halip na mabuhay ng daantaon na hindi ito nababatid’ Ito ang tamang paraan, ang paraan na itinuro sa amin ni Buddha”.
Ang batang mongha ay maluwag na tinanggap ang pagwawasto at binago ang kanyang paraan ng pagbigkas. Isang araw narinig siya ng kanyang guro at tinanong, “Anong nangyari? Ngayon binibigkas mo ang berso sa ibang paraan. Sino ang nagsabi sa iyo na baguhin ito?”
“Ang Kagalang-galang na si Ananda ang nagsabi sa akin ng tamang bersyon,” tugon ng batang mongha.
“Si Ananda ay matanda na at ang kanyang memorya ay kumukupas na,” sabi ng kanyang guro. “Mas mainam kung bibigkasin mo ang berso ayon sa paraang itinuro ko sa iyo.” Kaya’t muling bumalik sa dating pagbigkas ang batang mongha.
Nabatid ni Ananda na ang batang mongha ay bumalik sa pagbigkas ng maling bersyon at tinanong niya kung bakit niya ito ginawa. “Sinabi ng aking guro na kayo’y matanda na at ang inyong memorya ay kumukupas na, “ banggit ng batang mongha. “Dahil mali na ang iyong natatandaan. Sinabi niya sa akin na bigkasin ang berso na ayon sa paraan na kanyang itinuro.”
Labis na nalungkot at nanghina ang loob si Ananda. Umiisip siya ng paraan kung paano maiwawasto ang aral na binanggit ni Buddha na kanyang inulit sa kanyang sarili at ang itinala sa pulong. Ngayon, habang siya’y buhay, ang berso ay binibigkas na sa maling paraan. Maging kanyang mga salita ay hindi na pagkakatiwalaan kaya’t hindi na niya lubos maisip ang maaaring mangyari sa hinaharap. Dahil sa kinahaharap na suliranin ni Ananda, siya’y tuluyang nawalan ng pag-asa at naisipang lisanin ang mundo.
Mamuhay nang may pagmamalasakit
Ang hindi wastong pagbigkas ng mga berso ay hindi na maiwawasto habang buhay pa si Ananda at maging sa kanyang kamatayan. Sapagkat ang mga aral ng Budismo ay mahigit sa dalawang libong taon na kaya’t sadyang mahirap para sa kanila na ito’y gawing tumpak.
Sa kasalukuyang pag-aaral natin ng Budismo, kailangan nating gamitin ang karunungan upang maipakalat ang diwa ni Buddha sa mundo. “Ang dakilang pagmamalasakit ang nais nating isabuhay, at ang kahinahunan at kalakasan ang nais nating ipalaganap. Kailangan nating magkaroon ng malawak na pagkakaunawa sa paraan ng buhay at hindi dapat kumapit sa materyal na bagay sa mundong ito. Ito lamang ang kailangan nating bantayan.” Kung mapagyayaman natin ang ispiritwal na pagkatao batay sa mga prinsipyong ito, hindi na tayo mailalayo mula sa pangunahing diwa ng mga prinsipyo ni Buddha na nais niyang iparating sa atin. |