 | “Kung ang tao’y may ginintuang puso, kailangan lamang silang mahimok na panatilihin ang pusong ito magpakailanman. Nais nating panatilihin ang kanilang kabutihan upang magpatuloy sa Landas ng mga Bodhisattva. Ito’y aktibong pagtulong sa mga mahihirap na walang hinihinging kapalit at hindi lamang pagbabasa ng sutra at pakikilahok sa mga seremonya.”- Dharma Master Cheng Yen.
Sa loob ng halos 15 taon ng buong pusong paglalaan ng oras, lakas at biyaya sa mga kapus-palad, nagtutungo ang mga Tzu Chi volunteers sa mga mahihirap na pamayanan upang matuklasan ang mga taong nangangailangan ng tulong- ang mga may karamdaman, biktima ng sakunang sanhi ng kalikasan o likha ng tao, at maging ang mga kababayan na patuloy na inaalipin ng kahirapan bagama’t walang karamdaman o sakunang naganap.
Nagsisilbing gabay ng mga Tzu Chi volunteers ang mga salita ni Master Cheng Yen sa
pagpapalago ng mga binhi ng pagmamahal na mahigit sa isang dekada nang nakatanim at sa patuloy na paggawa ng kabutihan para sa lahat ng nilalang. Kaugnay nito, inilunsad ang Indigent Relief Program noong Disyembre 2008. Sa ilalim nito’y sinimulan ng Tzu Chi Philippines ang pagbibigay ng tulong sa mga maralitang taga-lungsod bagama’t walang anumang sakunang naganap.
Nakatuon ang naturang programa sa pamamahagi ng mga bigas na itinuturing bilang pangunahing pagkain ng mga Pilipino. Alinsunod sa payo ni Master Cheng Yen, ang mga ipinagkaloob na bigas ng mga Tzu Chi volunteers ay batay sa dami ng kasapi ng isang pamilya. Ang isang pamilya na may isa hanggang apat na kasapi ay pinagkalooban ng 10 kilong bigas samantala ang higit pa sa limang kasapi ay nakatanggap ng dalawang sako (20 kilong bigas).
Binondo, Maynila
Ang unang daluyong ng Indigent Relief Program ay sinimulan noong ika-14 ng Disyembre. Matapos ang quarterly relief distribution activity para sa mga benepisyaryo ng Tzu Chi, namahagi naman ang 25 Tzu Chi volunteers sa Asuncion St., sa Binondo, Maynila ng tig-10 kilong bigas sa 257 pamilya na binubuo ng 1,202 indibidwal.
Lungsod ng Valenzuela
Nakaabot din ang tulong ng Tzu Chi sa labas na bahagi ng Maynila nang nagtungo sila sa Lungsod ng Valenzuela noong ika-21 ng Disyembre. Dito’y nakapukaw-pansin sa mga Tzu Chi volunteers ang isang matandang babae na inaakay ng kanyang apo habang naglalakad.
Tatlong taong nakararaan nang mabulag dahil sa glaucoma si Lola Elisa Amisola. Nagpasuri lamang siya sa doktor ngunit hindi na nagawang sumailalim sa operasyon upang maagapan ang kanyang paningin. Sa gulang na 65, pinipilit pa ring itaguyod ni Lola Elisa ang kanyang apat na apo. Kasama niya ang apong na si Angelo o minsan ang kapatid nitong si Junnel na namamalimos sa lansangan upang may ipambili ng kanilang makakain.
Pinilit ni Lola Elisa na alagaan ang kanyang apat na apo dahil nais niyang mapunan ng pagmamahal ang kalupitan ng mga nakagisnang magulang ng mga bata.
Sa araw na ito, namili ang Tzu Chi volunteers ng mga pangunahing pangangailangan sa bahay at ng mga pagkaing maaaring pagsaluhan nina Lola Elisa at ng kanyang mga apo. Abot hanggang langit ang pasasalamat ni Lola Elisa nang inihatid sila ng kanyang apo sa kanilang barung-barong. “Maraming salamat sa inyo at sana mas marami pa kayong matulungan. Naging kasagutan kayo sa aking mga panalangin. Nawa’y patnubayan kayo ng Panginoon sa lahat ng inyong ginagawa”.
Lungsod ng Malabon
Pagsapit ng ika-15 ng Enero, tumulak ang mga Tzu Chi volunteers sa Malabon, isang mababang lungsod na kilala sa pangunahing produkto na noodles at gayundin sa madalas na pagbaha. Nagtungo sila sa mga Barangay ng Niugan at Tinajeros at namahagi ng 10 kilong bigas at thermal blanket sa 251 pamilya.
“Hindi lamang ito ang unang beses na nadama namin ang bukal sa loob na pagmamalasakit ng Tzu Chi Foundation, para sa mga mahihirap. Ipinagdarasal din ng aking pamilya ang tagumpay ng mga proyekto ng Tzu Chi,” pahayag ni Zenaida Walit, isa sa mga residente ng Malabon.
Isa lamang si Walit sa mga residente ng Malabon na natugunan ng Tzu Chi Foundation sa suliraning pangkalusugan. Dumulog si Walit sa tanggapan ng Foundation nang kinailangang sumailalim sa operasyon sa bato noong 2007. Bilang pasasalamat ng kanyang pamilya sa organisasyon, kumuha sila ng alkansya na kanilang hinuhulugan bawat araw upang makatulong sa iba pang nangangailangan at may karamdaman.
Lungsod ng Las Pinas
Dalawang araw matapos ang pagtulong sa Malabon, bumiyahe naman patungong timog ang mga Tzu Chi volunteers, sa Las Pinas. Dito’y nagkaloob ng bigas at thermal blanket sa 294 pamilya sa mga Barangay ng Zapote at Samatiera.
“Hindi po ako makapaniwala sa natanggap kong biyaya mula sa Tzu Chi. Malaking pakinabang po ang kumot sa amin lalo na ngayon dahil malamig ang panahon,” banggit ni Estrella Untaran ng Brgy Zapote, Las Pinas.
Para sa mga walang tahanan
Bilang bahagi ng Indigent Relief Program, naglunsad din ang Tzu Chi ng “Pagkalinga sa Kapatid sa Kalsada.” Ito’y isang programa para naman sa mga walang tahanan na namumuhay sa lungsod. Maliban sa pamamahagi ng mga relief goods, naglaan din ng libreng paligo at gupit sa mga walang tahanan ang mga Tzu Chi volunteers at kaagapay ang iba pang organisasyon.
Noong ika-24 ng Disyembre, habang abala ang mga tao sa pamimili ng kanilang mga ihahanda para sa Bisperas ng Kapaskuhan, inilaan ng mga Tzu Chi volunteers ang kanilang oras sa pag-aayos ng harapan ng Tzu Chi Still Thoughts Hall sa Lungsod ng Quezon. Ang idinaos na gawain ay iniukol para sa mga kapatid na walang tahanan.
Umabot sa 488 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nabigyan ng libreng paligo at gupit ng buhok; nabigyan ng bagong damit at tuwalya; at nag-uwi ng lomi soup at vegetarian na pagkain.
“Masarap ang pagkain at lubos ang kanilang pagtulong. Isang kakaibang karanasan para sa mga taong katulad namin. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa mga biyayang ito. Gayundin, nagpapasalamat ako sa Tzu Chi volunteers dahil sa pamamagitan nila, makakapagdiriwang kami ng mas masaya at mas makahulugang Pasko,” pahayag ni Jayson Santos, 34.
Ika-8 ng Pebrero, 2009. Ginanap ang Indigent Relief Program para sa mga walang tahanan sa Liwasan ng Lorenzo, Binondo, Maynila. Umabot sa 893 katao, bata man o matanda, ang napagkalooban ng mga Tzu Chi volunteers ng libreng paligo at paggupit sa buhok, relief goods at pagkain.
Ang Kultura ng Pagkakawangga ng Tzu Chi
Maliban sa personal na pagbibigay ng mga relief items, ipinamamalas din ng mga Tzu Chi volunteers ang kababaang-loob at pasasalamat sa kanilang mga tinutulungan sa pamamagitan ng 90 digri na pagyuko sa mga benepisyaryo sa tuwing sila’y nagbibigay ng tulong. Ito’y simbolo ng pagkilala ng mga Tzu Chi volunteers sa pagtuklas ng mga taong nagtuturo sa kanilang pahalagahan ang mga biyayang kanilang tinatamasa.
Bilang panimula sa mga relief activity, ipinakilala ng mga Tzu Chi volunteers ang pinagmulan ng Tzu Chi Foundation. Ipinaliliwanag nila ang mga pagsisikap upang maibsan ang paghihirap ng mga nangangailangan na nagsimula sa dakilang pagmamahal ng Tagapagtatag ng Tzu Chi, si Master Cheng Yen.
Hinihimok ng mga volunteers ang mga mahihirap nating kapatid na huwag maliitin ang sariling kakayahan sa paggawa ng kabutihan at pagbabahagi ng biyaya. Sapagkat napagtanto ng mga tinutulungan na hindi hadlang ang kahirapan sa paggawa ng kabutihan, sila’y buong pusong nagbibigay ng mga donasyon para sa mga misyon ng Tzu Chi.
Bagama’t sinusubok sa pisikal na lakas ang Tzu Chi sa tuwing may malaking gawain, umuuwi ang mga Tzu Chi volunteers nang magaan ang kalooban matapos ilunsad ang bawat programa para sa mga mahihirap. Ito’y sa kadahilanang ipinagpapatuloy nila ang paggawa ng kabutihan, patuloy na tinatahak ang landas ng Tzu Chi- ang landas ng walang imbot na pagmamahal, kapayapaan, pagiging kuntento, at pag-ibsan sa mga pagdurusa ng lahat ng nabubuhay na nilalang.
 |