Issue No.: 28
Mga Natatanging Inspirasyon
Higit na Pagtitiyaga sa Pagharap sa mga Kahirapan
Isinalin sa Ingles ni: Goh Hwe Yong
Isinalin sa Filipino ni: Nyanza Nakar
  
Ang green house effect ay sanhi ng kawalan ng balanse sa Apat na Elemento, at ang krisis sa pananalapi ay sanhi ng kawalan ng pagkakaisa sa isipan ng mga tao. Ang kahirapan ay ang pinakamabuting pagkakataon para gisingin ang ispiritwal na aspeto sa bawat isa. Kailangang isantabi ng bawat isa ang pansariling hangarin sa panahon ng krisis sa ekonomiya.

Maging masigasig sa paggawa, mamuhay nang simple, pahalagahan ang lahat ng biyaya, makiisa sa pangangalaga sa kapaligiran, ipagpatuloy ang pagkakawanggawa, igalang ang Inang Kalikasan, mahalin ang Planetang Mundo at mahalin ang ating kapwa. Maging maingat at ipagpatuloy ang mga dakilang gawain upang ang krisis ay maging pagkakataon tungo sa mas mabuting pagbabago.

Dahilan sa kasalukuyang pagbagsak ng ekonomiya, ang mga presyo ng bilihin ay tumaas. Samantala, ang kinikita mula sa recycling ay agad na bumagsak, at ang mga komersyo sa recyclables ay unti-unti nang nalulugi.

Tinanong ni Master Cheng Yen ang mga volunteers na aktibo sa recycling activities kung ipagpapatuloy pa nila ang kanilang gawain, at ganito ang kanilang binitiwang pahayag, “Ipagpapatuloy namin ang gawain dahil ang recycling station ay nagsisilbing tahanan na rin namin at nakatutulong sa aming isabuhay ang Dharma.”

Ang pagmamahal sa Inang Kalikasan ay ang nag-uudyok sa mga Bodhisattva na ito na ipagpatuloy ang pagre-recycle. Hindi nila hangad ang kikitain mula rito, bagkus ang paggising sa kanilang ispiritwal na aspeto dahil ang mga recycling stations ay katulad ng paaralan ng Dharma kung saan ang pagninilay ay isinasabuhay.

Katunayan, ang mga recycling stations na ito ay angkop para sa paghubog ng ispiritwal na aspeto sa isang tao. Maliban sa pagkakaroon ng lugar sa lokal na pamayanan para matutunan ang tamang pagbubukod ng mga recyclable materials, ito rin ang mga sentro kung saan ang mga guro at ang kanilang mga mag-aaral ay dumadalaw upang matutunan ang pagmamalasakit sa kapaligiran.

Sa kanilang pakikilahok sa pagre-recycle, ang mga volunteers na ito ay inilalaan ang kanilang oras, lakas at pera; at ang pagbubukod ng mga basura ay nagiging kasanayan para sa Budismo, pagsisikap, at pagninilay. Sa lugar na ito, maraming nakalilimot ng kanilang mga pangamba, gumagaling mula sa depresyon, o itinitigil ang mga bisyo tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagsusugal at iba pa. At sa pamamagitan ng pagyuko habang nagpupulot ng basura, dalawang bagay ang kanilang matatamo: malinis na kapaligiran, at dalisay na isipan. Ang kakayahang masugpo ang masasamang iniisip ay pagtatamo ng karunungan. Samakatwid, ang recycling stations ay maituturing na sentro ng Dharma para sa malusog na pangangatawan at isipan, kung saan maisasabuhay ang Six Perfections: pagkakawanggawa, pagsunod sa mga alintuntunin, pagpaparaya sa panghuhusga, pagsisikap, pagninilay at karunungan.

Ang pusong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti upang tularan ng marami
Ang pandaigdigang pagbasak ng ekonomiya ay nagdulot sa mas maraming tao ng paghahanap ng magiging kaibigan. Ang mga Tzu Chi volunteers ay walang humpay na ipinaaabot ang kanilang pagmamahal upang matulungan ang mga kapus-palad at mabigyan sila ng inspirasyon na tumulong din sa iba pa.

Mula noong 2005, ang mga Tzu Chi volunteers sa San Francisco, USA ay namamahagi na ng mga pagkain sa mahihirap na kabataan ng John Muir Elementary School. Simula noong Enero 2009, at sa pakikipagtulungan ng “food bank,” inilunsad ang isang programa na linggo-linggong namamahagi ng pagkain sa mga mag-aaral ng Liu Gui Ming Elementary School sa Tsina. Ang mga mag-aaral na nagmula sa mahigit na 200 mahihirap na pamilya sa Tsina ay nakatatanggap ng mga groceries at mga sariwang produkto mula sa bukid. Sa pagbalik-tanaw sa 2006, sinimulan ng mga volunteers ang programang “isang aklat para sa bawat mag-aaral,” hinahangad ng programang ito na ang mga mag-aaral ay mapagyaman ang kanilang kabataan sa pamamagitan ng pagbabasa.

Samantala, ang kasalukuyang krisis ay nagdulot ng mas malaking bilang ng mga taong nangangailangan, habang bumababa naman ang bilang ng mga kasapi na nagbibigay ng donasyon. Sa ganitong kalagayan, ang mga lagayan ng “food bank” ay madalas nauubusan ng laman bagama’t maingat na nagba-badyet linggo-linggo ang mga Tzu Chi volunteers ng kanilang pinamimili.

Ang pamamahagi ng pagkain ay isinasagawa tuwing hapon ng Lunes. Dito’y nagbabahagi ang mga Tzu Chi volunteers ng kwento tungkol sa “Ang mga araw ng alkansyang kawayan” sa kanilang mga tinutulungan upang patunayan na anumang maliit na halaga ay kabilang sa pagkakawanggawa. Kaya’t ang mga tagatanggap ay nahihimok na magtabi para sa pagkakawanggawa. At nangongolekta naman ng mga PET bottles para sa recycling centers ang mga walang kakayahan na magbigay ng donasyon. Ito’y nakatutulong sa pangangalaga ng kalikasan, at ang mga PET bottles ay ginagamit na kasangkapan sa paggawa ng mga kumot para sa mga nangangailangan.

Tatlong buwan matapos ang unang pamamahagi, karamihan sa pamilya ng mga nabigyan ng tulong ay ibinalik ang mga alkansyang kawayan na kanilang hiniram; ang halaga ng nakuha mula rito ay US$100! Mahirap sila ngunit hindi nawawala ang pagmamalasakit sa kanilang mga puso. Kaalinsabay ng paggising ng Dharma sa kanilang kabutihang-loob ay ang pagbuhay ng dakilang pagmamalasakit para sa kapwa.

Sa Johannesburg, Timog Aprika, mahigit sa 200 na mga bulag ay hindi lamang nakiusap na bawasan ang tulong na ibinibigay sa kanila, ngunit nagbibigay din sila ng buwan-buwang kontribusyon para sa pagkakawanggawa. Sinimulan nila ang gawaing ito nang nalaman nila ang pagtugon ng Tzu Chi para sa mga nabiktima ng tsunami noong 2004. Sila’y maaaring namamalimos pa upang mabuhay ngunit iginagalang sila para sa kanilang marangal na gawain.

Sa kabila ng mga suliranin, ang mga Tzu Chi volunteers ay hindi nawawalan ng pananalig sa pagkakawanggawa. Hinihiling nila na ang lahat ng pagmamalasakit ng mga tao ay maipon sa panahong ito.

Pagpapayaman ng Dharma sa nalilitong isipan
Nasa 2,500 taon nang nakalilipas, nagbabala si Buddha sa atin na ang apat na elemento: lupa, tubig, apoy at hangin ay mawawala sa balanse at hahantong sa mga kalamidad. Ang babala na ito ay napatunayan sa pamamagitan ng mga kalamidad na nangyayari ngayon sa mundo.

Sa USA, ang mga naganap na kalamidad tulad ng buhawi, baha at magkakasunod na sunog sa mga kagubatan ay nagdulot ng paglikas ng libo-libong biktima sa iba’t ibang relief centers. Dumating sa mga relief centers na ito ang mga Tzu Chi volunteers upang mamahagi ng mga kumot at pera sa mga biktima.

Nagsimula ang Tzu Chi Foundation ng mga pagkakawanggawa sa pamamagitan ng 30 maybahay na nagtatabi ng 50 sentimos sa bawat araw. Sa kasalukuyan, nagsisilbing inspirasyon ito sa iba pang sangay ng samahan sa buong mundo. Ito’y nakapukaw sa damdamin at nagbigay-inspirasyon sa maraming relief centers kaya’t ang iba’y tinanggihan ang pagtanggap ng pera. Anila, “Marami pang mas nangangailangan kaysa sa akin. Iingatan ko na lamang ang blanket na ito bilang alaala at kukuha ako ng alkansyang kawayan para makatulong ako sa ibang tao.”

Pangunahing layunin ng misyon sa pagkakawanggawa ng Tzu Chi ay mailabas ang dakilang pagmamalasakit sa kanilang puso at maitanim ang binhi ng kabaitan.

Ang sunog ay madaling maganap sa tuyong lupain. Katulad din nito ang kasakiman, galit at kahibangan na nauuwi sa paghahangad; ang walang habag na paghahangad ay nakabubulag ng isipan. Ang mangmang na isipan kapag pinagsama-sama ay makalilikha ng mga sakuna.

Ang mga sakunang likha ng kalikasan ay hindi nahuhulaan at napipigilan. Ang tanging bagay na maaari nating gawin upang mabawasan ang mga sakuna ay baguhin ang ating isipan. Ayon sa Sutra of Innumerable Meanings, ang isang hamog ay maaaring makalinis ng alikabok sa hangin; at ang patuloy na pagpapayaman ng isipan sa mga aral mula sa Dharma ay maglalayo ng mga hangaring dulot ng kamangmangan.

Ang masama at mabuti ay patuloy na naglalaban, at malinaw na ang mas malakas na panig ang siyang magwawagi. Samakatwid, ang kabaitan at pagsisikap ay hindi dapat minamaliit. Ang bawat isa na makapag-aalay ng maliit na tulong, kapag pinagsama-sama ang pagsisikap ay magiging malaking pwersa. Ang mas maraming mababait na puso ay magdudulot ng mas malaking biyaya at ng kapangyarihan na mabawasan ang mga sakuna.

Ang taong nagpapahalaga at lumilikha ng biyaya ay tunay na pinagpapala
Ang green house effect ay dulot ng kawalan ng balanse ng apat na elemento, samantalang ang krisis sa ekonomiya ay dulot ng hindi nahubog na mga isipan. Kaya’t napakahalaga na ang puno’t dulo ng mga sanhi ng kawalan ng balanse ay mabatid upang maisagawa ang nararapat na aksyon.

Halimbawa, ang mga sunog sa kagubatan ng Timog California ay sanhi ng panahon ng tagtuyot na dapat sana’y panahon ng tag-ulan kaya’t ang elemento ng tubig ay nawala sa balanse nito. Kapag ang malalamig na hangin ay umihip sa maiinit na disyerto, nagiging mainit din itong hangin at nagdudulot ng imbalanse sa elemento ng hangin. Ito’y nagiging sanhi ng mga sunog, at nagdudulot ng kawalan ng balanse ng elemento ng apoy. Habang ang Apat na Elemento ay magkakaugnay, ang kawalan ng balanse ng isa ay nagdudulot ng kawalan ng balanse ng apat na ito.

Marami ang nababahala sa buhay dahil sa kasalukuyang krisis sa pananalapi. Subalit habang “ang malaking kayamanan ay itinadhana ng Makapangyarihan, at ang kayamanan ay naiipon sa pamamagitan ng pagtitipid,” kailangan ang disiplina sa sarili, pagsupil sa mga luho, pamumuhay nang simple, at pagsisikap sa pagtatrabaho. Sa mga hakbanging ito, maaari nating malampasan ang mga hamon ng krisis.

Kung ang isang tao ay magaling lamang sa paggawa ng pera ngunit nahihirapang magbahagi sa iba, samakatwid siya ay katulad din ng isang kapus-palad gaano man siya kayaman. Sa kabilang banda, ang isang taong ginagastos ang kanyang pera sa kapaki-pakinabang na bagay ay ang tunay na mayaman.

Sa pagharap sa krisis, dapat mag-isip nang mabuti ang isang tao at iwasan ang pagbili ng mga hindi kailangan para makatulong sa mga biktima ng sakuna.

Hindi natin kayang pigilin ang buhay at ang kamatayan. Lingid din sa ating kaalaman na ang ating buhay ay umiiksi sa paglipas ng bawat araw, at sa paglipas ng bawat taon. Kailangan nating mamuhay sa kasalukuyang panahon, patuloy na makiisa sa ibang tao, at mamuhay nang lubusan. Kaya’t mangyari lamang na maging mapanuri ang bawat isa