 | Sa kasalukuyang panahon, hinaharap natin ang pinakamahirap na pagsubok: nilalagnat na ang ating planeta at naghahatid na ng malubhang panahon ang global warming na humahantong sa nakakapaminsalang mga kalamidad. Ang mga tao sa buong mundo ay unti-unti nang nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa seryosong suliraning ito, nagsisimula na ang talakayan sa larangang ng agham, pamahalan at industriya. Ngunit, mayroong isang bagay na maaaring magawa ng bawat ordinaryong mamamayan, at ito’y simple lamang – ang maging vegetarian. Ayon sa mga siyentipiko, ang pagiging vegetarian ay nakababawas sa pagdami ng carbon gases. Ito ay mabisang paraan upang mapangalagaan ang ating kapaligiran at mabawasan ang global warming. Dati pa, hinihikayat na ang mga tao na maging vegetarian ngunit magsisilbi lamang itong pagpipilian na maaaring gawin. Ngunit, iba na ang sitwasyon ngayon. Nasa panganib na ang ating planeta, at nangangailangan na ito ng pagkilos ng bawat isa. Kung hindi man natin magagawa, iwasan na nating mapinsala ito. Ang pagiging vegetarian ay ang pinakamahalagang simula.
Sa tuwing iniisip natin ang pagkaing gustong kainin, mahirap isantabi ang karne. Ngunit ang mga kindergarten ng Malaysia, nang nabatid ang magandang naidudulot ng pagkain na walang halong karne, isinuko nila ito at naging vegetarian. Bakit madali lamang para sa kanila ngunit mahirap para sa mga nakatatanda? Ito’y sa kadahilanang malinis ang puso ng mga bata, kaya’t madali nilang natututunan na ang mga hayop ay katulad din ng tao na may pakiramdam at hindi nila kagustuhan na mamatay. Sinabi sa atin ni Buddha na ang lahat ng nabubuhay na nilalang ay may taglay na kalikasan ng isang Buddha. Ang mga hayop ay may pakiramdam, at nararamdaman din nila ang takot at sakit. Mayroon din silang mga pamilya at mahal sa buhay, at nagnanais na mabuhay. Kapag sila’y papatayin na, umiiyak sila dahil sa takot.
May isang totoong kwento tungkol dito, ayon sa salaysay ni Dharma Master Lian Chi. Noong ika-19 ng siglo sa Tsina, mayroong isang mayamang pamilya kung saan ang haligi ng tahanan ay deboto ng Budismo. Siya’y isang mapagkawanggawang pilantropo at matagal nang vegetarian. Sa kabilang banda, ang ilaw ng tahanan ay nagigiliw sa mga karne at masasarap na pagkain. Isang araw, naisip niya ang paghahandang gagawin para sa kanyang kaarawan. Aniya, nais niya ng masasarap na pagkain sa pagdiriwang. Ang kanyang mga katulong ay bumili ng buhay na baboy, kambing, manok, pato at isda para sa okasyon. Nang nalaman ito ng asawang lalaki, hinimok niyang huwag gawin ang bagay na ito at nakiusap na pahalagahan ang buhay ng mga hayop. Tumanggi siya. Ito’y ang kanyang kaarawan at nais niyang magdiwang.
Isang gabi bago ang kanyang kaarawan, nanaginip ang asawang babae. Sa kanyang panaginip, pumasok siya sa kusina ng kanyang bahay kung saan nagluluto at naghahanda ang mga katulong para sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan. Malapit na nilang katayin ang mga hayop. Napansin niyang umiiyak ang mga hayop. Nakatayo na ang tagapagluto at may hawak na kutsilyo. Mayroong isang baboy na nakatali sa paa, pilit itong pumipiglas at umiiyak nang malakas. Ilang sandali, naramdaman niyang pumasok ang kanyang kaluluwa sa katawan ng baboy.
Sa kanyang pagmamasid, nakita niya ang tagapagluto na tangan ang kutsilyo at palapit na sa kanya. Siya’y nanlaban at umiyak nang napakalakas. Ngunit, wala rin itong magagawa. Naramdaman niya ang kutsilyo na isinaksak sa kanyang lalamunan. Hindi niya matiis ang sakit. Habang patuloy ang pagdurugo, kumukulong tubig naman ang ibinuhos sa kanyang katawan upang maalis ang kanyang mga balahibo. Samantala, ang kutsilyo ay ginamit upang hiwain ang kanyang katawan mula sa lalamunan hanggang sa tiyan. Labis ang sakit na kanyang naramdaman.
Nabaling naman ang kanyang tingin sa kambing, at ilang saglit, umalis ang kanyang kaluluwa sa katawan ng baboy at pumasok na sa kambing. Habang kinakatay ng tagapagluto ang kambing, nadama niyang muli ang kutsilyo na pinanghihiwa sa kanyang katawan. Hindi niya mailarawan sa salita ang sakit na kanyang nararamdaman. Sumunod naman ay ang manok at pato. Tulad ng dati, ang kanyang kaluluwa ay pumasok sa kanilang mga katawan at naranasan niya ang pagpatay sa kanya.
Nang natapos na ang tagapagluto sa pagkatay sa lahat ng mga hayop, isang matandang tagapagsilbi ang nagdala ng buhay na isda.. Isa sa mga katulong ang masayang nagsabi na, “Gustong-gusto ng ating amo ng isda. Gawin niyo itong fish balls at ihandang almusal.” Sinimulan ng tagapagluto na alisin ang mga kaliskis ng isda habang buhay pa ito. Sa pagkakataong ito, ang kaluluwa ng asawa ay naisalin na sa katawan ng isda. Naranasan niyang alisin ang kanyang mga kaliskis at napakasakit nito. Habang nararanasan niya ang lahat ng ito, nakita niya ang kanyang mga katulong na nagsasalita at tumatawa, dahil sa sakit na naranasan ng mga hayop na pinatay.
Habang nasa katawan ng mga hayop na ito, ang asawang babae ay humingi ng saklolo, ngunit hindi naririnig ang kanyang mga pagdaing. Sa kabilang banda, ang tagapagluto at ang mga tagapagsilbi ay masayang bumalik sa kanilang mga trabaho na may pananabik para sa gaganaping mahalagang okasyon at pista. Sila’y walang malay sa sakit at takot na naramdaman ng mga hayop. Ngunit, ang lahat ng pagdurusang ito habang nasa loob ng mga katawan ng hayop ay naranasan ng asawang babae. Pagkalipas ng ilang saglit, bumalik na siya sa sariling katauhan at nagising mula sa kanyang panaginip.
Sa kanyang pagmulat, ang asawang babae ay umiyak dahil sa labis na sakit. Naramdaman niyang ang kanyang katawan ay hinihiwa, pinapakuluan at piniprito. Ito ay labis na paghihirap.
Sumunod na umaga, nagdala ang katulong ng isang pinggan ng fish balls para sa almusal. Nang nakita ito ng asawang babae, napuno siya ng takot at sinabi sa katulong, “Alisin niyo agad ang pinggan na iyan. Labis na akong nahihirapan.” Ang kanyang tugon ay naging malaking katanungan sa mga katulong. Iniisip nilang siya ay may sakit, agad na nagtungo ang katulong sa asawang lalaki para ipaalam ang kondisyon ng kanyang maybahay.
Nang pumunta ang lalaki upang makita ang kanyang asawa, kinukwento niya ang tungkol sa kanyang panaginip. “Naramdaman ko ang pinakamasakit na pagdurusa. Katulad iyon ng impyerno. Ang sakit, ang pagdurusa at kasawiang-palad. Alam ko na ang pakiramdam kung paano maging hayop, at gusto kong magsisi.” Mula sa araw na ito, siya’y naging vegetarian.
Katunayan, lahat sa atin ay kumakain ng karne dahil iyon ang nakasanayan – hindi natin pinag-iisipan at hindi natin naiisip ang laman na nakahain sa ating mga pinggan ay nagmula sa mga buhay na kinitil para lang sa atin. Ngunit, kung makikita natin ang mga hayop na ito na sila’y may sariling buhay, mananaig ang ating pagka-makatao, pakikiramay, at pagmamalasakit. Ang lahat ay magiging simple – kaya’t madaling nauunawaan ng mga bata at sila’y nagiging vegetarian.
Kabahagi nating mga tao ang iba pang nabubuhay na nilalang sa mundong ito. Paano natin natitiis na sila’y magsilbing pagkain, na katayin para sa atin? Mahalaga ang buhay. Kasinghalaga nito ang buhay ng tao, na tulad sa lahat ng mga nabubuhay na nilalang. Ang pagkaunawa sa bagay na ito ay isang karunungan at pagmamahal. Kapag binuksan natin ang ating mga puso nang may pang-unawa, hindi natin masasaktan ang ibang nilalang, at ang ating puso’y magkakaroon ng paggalang sa mga buhay. Sila ay katulad natin na mga nilalang na nabubuhay . At para sa kanila at sa atin, ang planetang Mundo ay isang tahanan. |