 | “Dapat tayong magpasalamat sa bawat isa at sa bawat bagay na dumaraan sa ating landas sa bawat saglit ng bawat araw at mamuhay na taglay ang pusong dalisay sa bawat sandali, bawat araw, bawat buwan at bawat taon na daraan sa atin. Batiin natin ang bagong taon nang maligaya at ipanalangin na ito’y maging payapa, mapalad, at lipos ng pagpapala at karunungan.” – Master Cheng Yen
Bilang paggunita sa tagumpay na nakamit mula sa maraming pagsubok na dumaan sa taong 2009, ginanap ng Tzu Chi Foundation, Philippines ang Yearend Blessing Ceremony nito noong ika-10 at ika-31 ng Enero, 2010 na lubos na nagpapasalamat sa karunungan at kahusayan ng tagapagtatag na si Master Cheng Yen na nagsilbing gabay sa kanila upang malampasan ang pagsubok at kahirapan.
Ang mga seremonya na ginanap sa awditoryum ng Still Thoughts Hall sa Quezon City ay dinaluhan ng 621 iskolar at long-term beneficaries nito noong Enero 10, at mahigit sa 1, 540 na long-term at short-term beneficiaries, donors, mga kaanib na pangkat, mga kaibigan at iba pang mga panauhin noong Enero 31.
Sa pangunguna ng kabuuang bilang na 359 Tzu Chi volunteers, ang programa ay sinimulan sa isang 17-minutong video presentation ng Philippine 2009 Great Treasury Sutra, na nagpaalala sa mga manonood ng kabutihan at dakilang pagmamahal ng Tzu Chi na ipinapaabot sa libo-libong nangangailangang tao sa bansa.
Isa sa hindi malilimutang karanasan na pinagdaanan ng Tzu Chi noong nakaraang taon ay ang pananalasa ng bagyong ‘Ondoy’ (Ketsana). Habang ang karamihan sa Tzu Chi volunteers ay naapektuhan ng delubyo, ang kanilang pagmamahal at pagkalinga sa kanilang mga kababayan ay nasalamin pa rin sa kanilang pagsisikap na matulungan ang mga sinawing palad sa mga lugar na malubhang naapektuhan.
Mula sa paggabay ni Master Cheng Yen, naglunsad ang organisasyon ng mga malawakang programa na kinabibilangan ng cash-for-work na nakatugon sa mga lokal na residente ng tatlong barangay ng Marikina City-Nangka, Malanday at Tumana. Kaugnay nito, napabilis ang paglilinis sa kanilang pamayanan; naiwasan ang paglaganap ng anumang epidemya; at unti-unting naibalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente at nakabangon ang ekonomiya ng buong Marikina City.
Bilang paggunita, isang maiksing drama na pinamagatang “Love Heals the World” ang itinanghal ng Tzu Chi volunteers at 18 biktima ng bagyo sa Marikina City na naging volunteers ng Tzu Chi. Ito’y upang ipakita ang lahat ng pagsisikap ng Tzu Chi para muling makabangon ang naturang lungsod.
Pagsukli ng Marikina sa pagmamahal
Maliban sa mga materyal na tulong na ipinaabot ng Tzu Chi volunteers sa mga residente ng Marikina, ang kapansin-pansing tagumpay ay nagawa ng volunteers na buksan ang puso’t isipan ng mga residente tungkol sa diwa ng pagkakawanggawa at pagmamahal para sa kapwa. Bilang unang hakbang sa pagiging volunteers, libo-libong residente ng Marikina na natugunan ng mga proyekto ay dumalo sa training camps ng Tzu Chi noong Nobyembre at Disyembre, 2009 upang mas mapaigting ang kanilang hangarin na sumali sa foundation bilang volunteers.
Si Joan Casero, 40, isang residente ng Brgy. Nangka ang nagpatunay ng magandang pagbabago na naganap sa kanya matapos makilala ang Tzu Chi.
“Dati, nagsusugal, umiinom at gumagala ako kasama ang mga barkada ko. Ngunit nang dumating ang Tzu Chi, sinabi ko sa mga kaibigan ko na ititigil ko na ang bisyo ko, sa halip ay sasali na lamang ako sa mga gawain ng Tzu Chi. Noong unang beses akong sumali sa gawain ng Tzu Chi, magaan talaga ang pakiramdam ko. Bagaman wala akong naibigay na materyal o salapi, masaya akong makatulong sa Tzu Chi volunteers sa tuwing nag-aabot ng tulong sa iba,” banggit ng ina ng tatlong bata.
Ngayon, si Casero ay isa sa mga Marikeños na aktibong nakikibahagi sa mga misyon ng Tzu Chi. Siya rin ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang tagapagluto sa tanggapan ng Tzu Chi sa Sta.Mesa, Maynila.
Hindi inaakalang pagmamahal mula sa Tatalon
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ay ang mga residente ng Barangay Tatalon, Quezon City na tinulungan ng Tzu Chi nang nakaranas ng magkasabay na baha at sunog sa kasagsagan ng bagyong ‘Ondoy’ noong ika-26 ng Setyembre.
Isang araw nang nakalipas ang sakuna, una sa mga tumulong sa kanila ay ang Tzu Chi volunteers na namahagi ng mga pagkain at mga kagamitan tulad ng tsinelas at mga damit. Pinag-ibayo ng Tzu Chi volunteers ang tulong sa pamayanan ng Tatalon nang namahagi ng relief supplies at tulong-pinansyal sa daan-daang pamilya at inilunsad din ang clean-up operation para sa buong pamayanan.
Ang Tzu Chi volunteers, samantala, ay higit na nagpapasalamat sa mga residente ng Tatalon na nagbigay sa kanilang ng biglaang pagdalaw noong ika-15 Anibersaryo ng Tzu Chi Philippines. Sa kabila ng mga kahirapang nararanasan, humigit-kumulang sa 200 residente ng Tatalon ang nagtungo sa tanggapan ng Tzu Chi noong ika-8 ng Nobyembre at nagbigay ng kanilang mga donasyon na umabot sa kabuuang halaga na Php34,000.
Pakikinig sa panawagan ng Master at ng Inang Kalikasan
Noong sesyon sa hapon para sa mga Tsinong kaibigan, donors at mga panauhin, muling kinilala ng Tzu Chi voolunteers si Master Cheng Yen at ang karunungan na kanyang ipinamalas upang matulungan ang Marikina na muling makabangon mula sa nakaaawang kalagayan.
Tulad ng unang sesyon, ang mga panauhin ay pinaalalahanan ng Master na pagtuunan ng pansin ang panawagan ng Inang Kalikasan, na naghahatid ng magkakasunod na sakuna, sa pamamagitan ng maiksing video clip ng kanyang talumpati.
Kaugnay ng trahedyang naganap sa Haiti, ipinabatid ng Master sa bawat isa na mahalin at pahalagahan ang Inang mundo dahil ang ating pamumuhay ay nakasalalay rito. Dito’y ipinalabas ng volunteers ang 20- minutong video presentation ng Tzu Chi’s Great Treasury Sutra 2009 na nagpakita ng wagas na pagmamahal ng Tzu Chi sa buong mundo.
Matapos ang video presentation, pinangunahan ng volunteers ang mga dumalo sa isang panalangin na humihiling ng kapayapaan at mundong malayo mula sa mga sakuna habang sinisindihan ang kanilang mga kandila at ang lampara sa kanilang mga puso, at gumagawa ng mga panata para sa 2010.
Isa sa mga gumawa ng panata ng pagpapakalat ng mga binhi ng pagmamahal ng Tzu Chi sa pamamagitan ng kanyang propesyon ay si Cherilyn Ngo, isang Tzu Chi volunteer simula pa noong 2003 at isang tagapagbalita sa isang lokal na pahayagan, ang Philippine Chinese Daily.
Ibinahagi ni Ngo ang kanyang mga karanasan at natamong kaliwanagan matapos niyang sumama sa paglalakbay ng 28 delegado ng lokal na midya sa punong tanggapan ng Tzu Chi sa Taiwan noong Disyembre 18-20, 2009.
“Nang pumunta ako sa Taiwan, maraming bagay akong natutunan tungkol sa Tzu Chi. Mas nadagdagan ang aking kaalaman tungkol sa apat na Misyon ng foundation, nakita ko rin ang pagpapatayo ng Great Love Village para sa mga biktima ng Morakot at higit sa lahat, nakita ko ng personal si Master Cheng Yen. Nasaksihan ko rin kung paano ipinapadama ng Tzu Chi volunteers ang kanilang pagmamahal sa ibang tao. Ang lahat ng ito ay nakaimpluwensya sa aking trabaho bilang tapagapagbalita at nakahikayat sa akin na ipakalat sa mga mambabasa ang balita tungkol sa Tzu Chi.”
Pagpapala mula sa Master
Dumako na ang Tzu Chi volunteers sa pagkakaloob ng ang paos sa mga dumalo. Ang mga pulang pakete ay paraan ng pagpapala ni Master Cheng Yen ng karunungan sa publiko. Makikita naman sa bawat ang pao ay ang imahe ni Buddha na sumisimbolo sa inspirasyon at paalala na dapat pangalagaan ang kapaligiran; anim na butil ng palay na nagpapahayag ng anim na paramitas o pagsasabuhay ng dharma, na alinsunod sa mga aral ng Budismo, ito’y mga katangiang dapat pag-ibayuhin ng isang tao upang matamo ang dalisay na isipan; at baryang piso na simbolo ng pagkakaisa sa pagitan ng Tzu Chi volunteers at ng kanilang mga tinutulungan, donors, at mga kaibigan.
Bago tanggapin ang kanyang ang pao, ang 60 anyos na si Lita Mergano mula sa Barangay Escopa, Quezon City, ay kabilang sa daan-daang katao na pumila upang ilagay ang kanilang mga donasyon sa dalawang banga na nakalagay sa gitna ng awditoryum.
Taong 2009, napabilang siya sa mga long-term recipient ng Tzu Chi at binibigyan din ng mga bitamina, 10 kilo ng bigas at buwan-buwang tulong-pinansyal na Php1,000.
Sa kabila ng maliit niyang kinikita mula sa pagbili at pagtitinda ng mga lumang sapatos, nakakapaglaan pa rin ng Php500 na halaga ng mga barya si Mergano sa kanyang alkansya.
“Nang tinutulungan ako ng Tzu Chi, ginagawa nila iyon nang walang pag-aalinlangan. Kaya’t hindi rin ako nagsisisi kapag nagbibigay ako ng tulong sa ibang tao sa pamamagitan ng pagtatabi ng mga barya sa alkansya,” wika ni Mergano.
Bilang handog, ang Tzu Chi volunteers ay nagbigay sa bawat dumalo ng sariwang mansanas at orange na sumisimbolo sa kapayapaan at kabutihan, kasama ang sipi ng Tzu Chi Publication at isang booklet ng Still Thoughts Aphorisms mula kay Master Cheng Yen upang gabayan sila sa kanilang araw-araw na pamumuhay sa pagsisimula ng 2010.
Ang pagtitipon na nagwakas nang matagumpay ng mga bandang alas-6 ng gabi habang sumisibol ang bagong pag-asa at ipinagdiriwang ang dakilang pagmamahal. Umabot sa kabuuang bilang na Php177, 703.60 ng donasyon ang naihulog ng mga dumalo sa mga banga. Mayroong 144 indibidwal ang humingi ng alkansya ng Tzu Chi at nangako na pupunuin ang bawat isa ng kanilang ulirang pagmamahal para sa mga kapus-palad na kababayan.
“Nawa’y ang bawat pamilya ay maging ligtas at maging mapayapa ang bawat araw. Hangad ko ang inyong kabutihan,” banggit ni Master Cheng Yen sa pagwawakas ng kanyang pananalita. |