Issue No.: 30
Pangunahing Balita
Tulong at Inspirasyon ng Tzu Chi Upang Makabangong Muli ang Marikina
Sa panulat ng Publication Team
Isinalin ni Nyanza Nakar
  
“Nagpapasalamat ako sa Tzu Chi Foundation dahil sa kanilang kagandahang-loob at patuloy na pagsuporta sa amin upang makaraos mula sa kalamidad na ito. Kung wala ang Tzu Chi Foundation, aabutin kami ng napakahabang panahon bago makabangon, “ banggit ni Mayor Maria Lourdes Fernando habang ipinapahayag niya ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng naitulong ng Tzu Chi Foundation sa kanyang mga nasasakupan, na hanggang sa kasalukuyan ay sinusubukang makapagsimula muli matapos mag-iwan ng makasaysayang pagkawasak sa kanilang buhay at sa buong Marikina City ang bagyong Ondoy.

Ilang araw nang nakalipas ang delubyo, ang mga Tzu Chi volunteers sa Pilipinas at mula sa Taiwan ay nagsadya sa Marikina upang magsarbey at malaman ang tulong na maaari nilang ipaabot. Sapagkat nakita nila kung gaano kalawak at kalubha ang pinsalang idinulot ng bagyo, sinimulan na ng Tzu Chi Foundation ang pagpapadala ng mas maraming grupo ng volunteers nito upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima.

Mula sa kabaitan at kagandahang-loob ni Master Cheng Yen, Tagapagtatag ng Tzu Chi, inilunsad ng mga volunteers ang programang Cash-for-Work kung saan sumasahod ng Php400 bawat isa ang 88,297 man-days (tingnan ang graph sa kanan) na nakarehistro sa mga Barangay ng Nangka, Malanday at Tumana, tatlong lugar sa Marikina na malubhang naapektuhan, para sa paglilinis ng kanilang komunidad.

Ang programang Cash-for-Work ay paraan ng Tzu Chi upang mabigyang ng inspirasyon ang mga nahahapis na residente upang magpatuloy sa kanilang pamumuhay at manumbalik ang tiwala sa sarili dahil may kakayahan silang magtrabaho para sa kanilang pangangailangan at hindi kailangang umasa sa tulong ng ibang tao. Sa tulong ng kanilang sahod, nakabibili na sila ng mga pangangailangan na hindi kabilang sa mga relief goods na ipinamamahagi ng pamahalaan at ng iba pang organisasyon. Gayundin, dahil sa kakayahan ng mga residente na makabili, ang mga tindahan ay nagbubukas na, kaya’t unti-unti nang bumabangon ang ekonomiya ng Marikina.

“Itinatabi ko ang pera na sinasahod ko galing sa Tzu Chi para makabili kami ng mga kahoy at iba pang materyales para sa pagpapagawa ng aming bahay. Nagtatrabaho ako nang mabuti para kumita at makabili ng iba pang pangangailangan,” banggit ni Crisanto Fabros, 17 kabilang sa programang cash-for-work.

Sa hangaring malinis ang mga basura sa lungsod, at maiwasan ang paglaganap ng epidemya mula sa napakaraming basura, pinagsama-sama ng Tzu Chi ang mga volunteers nito, kawani, benepisyaryo at mga kaanib na samahan at mga indibidwal para sa malawakang clean up drive sa mga Barangay ng Nangka at Malanday, noong ika-10 at ika-11 ng Oktubre.

Ang mga volunteers ay bumili at nagrenta rin ng tinatayang 25 units ng pay loaders, bulldozer at back hoe; at 100 dump trucks upang mas mapabilis ang paglilinis sa tatlong barangay.

Ang pagsisikap ng Tzu Chi ay nakapagpalaya sa mga barangay mula sa napakaraming basura at putik. Sa tulong ng pamahalaan ng lungsod, ang mga pangunahing kalsada, lansangan at magkakarugtong na eskinita ay nadaraanan na ng mga sasakyan at mga residente. Ang mga paaralan sa sekundarya ng Nangka at Malanday ay nalinis na rin at ngayo’y nagagamit na ng mga guro at mag-aaral.

Sa tulong ng mga donasyon ng Tzu Chi Taiwan na mga instant rice at soup, at mga reusable bowls at baso, nakapamahagi ang Tzu Chi ng maiinit na pagkain sa 55,035 residente sa mga Barangay ng Nangka, Malanday at Tumana. Ang mga volunteers na lumulusong sa putik upang makapaglaan ng pagkain sa mga tao ay nagbigay rin ng mga tinapay at inuming tubig sa mga biktima.

“Masarap, mainit at maanghang. Nakalagay sa reusable bowl na hindi nababasag,” paglalarawan ng residente ng Barangay Nangka na si Rosita Caasi nang natanggap niya ang pagkain. Idinagdag niyang ““Nagpapasalamat po kami sa Tzu Chi Taiwan dahil sa kanilang ipinadalang tulong sa Pilipinas, Nagpapasalamat kaming mga Pilipino na hindi nila kami pinabayaan.”

Upang makapaglaan ng agarang tulong-medikal sa mga sinawing-palad na biktima, naglunsad din ang Tzu Chi Foundation ng mga medical missions at serbisyong dental sa mga barangay ng Nangka at Malanday na nakatulong sa 4, 756 residente na nangangailangan ng konsultasyon at lunas sa opthalmology, dentistry, pediatrics, general medicine, minor surgery at dermatology.

Bilang tugon sa tumataas na kaso ng alipunga at iba bang sakit sa balat na nakukuha ng mga residente mula sa matagal na pagkababad sa tubig-baha habang naglilinis ng kanilang bahay at kagamitan, namahagi ng tinatayang 5,000 pares ng bota ang mga Tzu Chi volunteers sa mga residente ng Marikina.

Kasama ang pagmamahal at pagpapala ni Master Cheng Yen, nagkaloob ang mga Tzu Chi volunteers ng tulong-pinansyal, bigas at iba pang pangunahing pangangailangan tulad ng thermal blanket mula sa Taiwan upang makatulong na mapalitan ang ilan sa mga kagamitan ng mga residente na nasira dahil sa baha.

Batid ng mga volunteers na karamihan sa mga kagamitan ng mga mag-aaral ay tinangay ng baha o nalubog sa putik kaya’t sila’y namahagi ng mga Tzu Chi bag, school supplies at school uniforms sa tinatayang 3,000 mag-aaral sa hayskul ng mga Barangay Nangka at Malanday.

Maliban sa mga materyal na tulong, pinatatatag ng Tzu Chi ang kalooban ng mga nahahapis na biktima sa pamamagitan ng paghihikayat sa kanila na subukang buksan ang puso sa pagkakawanggawa at pagtulong upang malampasan ang trahedyang kanilang sinapit.

Sa kabila ng pagkakaiba sa relihiyon, ang mga Tzu Chi volunteers na pawang mga Budista at mga nasalanta na pawang mga Kristiyano, ay nagkaisa sa panalangin na humihiling ng bagong pag-asa at kalakasan upang mas maraming isipan ang madalisay, mapagbuklod ang lipunan, at mabawasan ang mga sakuna sa buong mundo.

Ang dakilang pagmamahal na ito ay umukit ng mahalagang papel sa puso ng mga residente ng Brgy. Malanday nang nagkaisa sila sa pagpapahayag ng kanilang pagkilala sa pagsisikap ng mga volunteers. Noong Oktubre 17, mula sa piso-pisong kontribusyon ng bawat residente ng Bulelac, Libis Bulelac, nakapagpagawa sila ng tarpaulin kung saan isinulat nila ang personal na mensahe ng pasasalamat sa mga Tzu Chi volunteers.

Isa sa mga nakasaad na mensahe sa tarp ay “Tzu Chi Foundation of the Philippines, maraming, maraming salamat po sa tulong at suporta nyo! Mabuhay Kayo!”

Maliban sa mga mensaheng tunay na nakakataba sa puso, pinuno ng mga residente ng kanilang sariling pirma ang tarp upang mas ipahayag ang kanilang pasasalamat para sa napakalaking tulong ng mga Tzu Chi volunteers sa kanilang buhay.

Noong Oktubre 18, habang naghahanda ang mga volunteers at mga trabahador para sa nalalapit na pagtatapos ng clean up sa Brgy Nangka, mahigit sa 40 pangkat ng mga trabahador ng Tzu Chi ay nagpakita ng mga banner na nagsasaad ng kanilang pasasalamat na kanilang ginawa para sa Tzu Chi Foundation. Isa sa mga nakasulat sa plakard ay: “Salamat Tzu Chi para sa muling pagbuo sa aming buhay.”

Kabilang din sa sorpresang inihanda ng mga trabahador ay ang isang plake ng pagpapahalaga na kanilang personal na ginawa.

“Ang salitang ‘salamat’ ay hindi sapat upang ipahayag ang aming pagpapahalaga sa lahat ng inyong ginawa para sa amin. Matapos ang delubyo, hindi namin alam kung saan kami magsisimula ngunit dumating kayo upang kami’y tulungang makabangon,” saad ng mensahe sa plake.

“Ang plakeng ito ay paraan ng aming pagsukli sa kabutihang-loob ng Tzu Chi na tumulong sa aming komunidad. Itong plake ang tanging bagay na aming makakayanang ipagkaloob sa inyo. Taus-puso ang aming pasasalamat sa tulong na ibinigay ng Tzu Chi sa Barangay Nangka. Dahil sa kanila, nagsisimula na kaming bumangon mula sa trahedyang nangyari sa amin,” banggit ng isa sa mga trabahador.

Sinasabi ng karamihan na aabutin ng mahabang panahon bago muling tuluyang makabangon ang Marikina. Ngunit, sa tulong ng marubdob na hangarin ng Tzu Chi, unti-unti nang nakakapagsimula ng buhay na may pagmamalasakit at positibong pananaw ang mga residente ng Marikina.

Ayon nga sa isang text message na ipinadala sa mga Tzu Chi volunteers ng isang residente ng Brgy. Tumana “Ang buto ng kabutihan na inyong itinanim ay lalago sa aming mga puso.” Nangangahulugan ito na nagtapos man ang mga proyekto ng Tzu Chi para sa Marikina, ang mga buto ng kabutihan na ay patuloy na lalago upang makatulong sa paghilom ng puso’t isipan ng mga tao at maging ng buong komunidad.