 | Matapos tumugon sa 1,035 pamilyang naapektuhan ng Bagyong Kiko (international name Morakot) sa munisipalidad ng Botolan, Zambales, ang mga volunteers ng Tzu Chi Foundation, Philippines ay muling iniukol ang kanilang sarili nang walang pag-aalinlangan upang maibsan ang paghihirap ng mga nagdurusa at maghatid ng kaligayahan sa mga nangangailangan.
Mula sa punong tanggapan ng Tzu Chi sa Quezon City tinahak ng dalawang pangkat ng 62 Tzu Chi volunteers ang walong oras na byahe patungo sa munisipalidad ng Botolan, Zambales at nagtungo sa tatlong barangay ng naturang lugar mga bandang alas-7 ng umaga upang tugunan ang panawagan ng mga biktima ng bagyong Kiko.
Tumama ang bagyong Kiko sa bansa noong ika-6 ng Agoto, libo-libong pamilya ang labis na naapektuhan matapos bumigay ang dike sa Barangay San Juan, Botolan na nagsisilbing kontrol sa baha. Rumagasa ang tubig 10 barangay ng Botolan na naging sanhi ng pagkasira ng mga pananim at kumitil sa mga buhay ng alagang hayop ng mga residente. Ang mga nabiktimang pamilya ay agad na idinala sa mga malalapit na paaralan.
Unang nagtungo ang mga volunteers sa Paitan Elementary School sa Barangay Taugtog, kung saan 277 pamilya sa naturang lugar na mula sa Barangay Paudpod ay buong tiyagang naghihintay. Habang sumisikat ang araw, ang mga Tzu Chi volunteers ay nagdiskarga na ng mga relief items at naghanda para sa maiksing programa na inilaan sa kanilang mga tutulungan.
Labingwalong taong nakalipas nang pumutok ang Bundok Pinatubo, si Master Cheng Yen ay ginawaran ng Pilipinas ng Ramon Magsaysay Award for Community Leadership at may premyong 30,000 dolyar. Dahil sa kanyang pagmamahal at pagmamalasakit, ipinagkaloob ni Master Cheng Yen ang kalahati ng pera sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan, at ang isa pang kalahati sa mga naapektuhan ng baha sa Tsina.
Nag-alay din ng isang awit-panalangin para sa kapayapaan at mabawasan ang mga kalamidad . Ang mga nasalanta at mga volunteers ay bukal sa kaloobang nagkaisa sa pagdarasal at ang buong lugar na napunan ng sandaling katahimikan. Matapos ang pagdarasal, ang mga lokal na naging inspirado sa mga kwentong ibinahagi ng mga volunteers ay ngalabas ng mga barya mula sa kanilang mga bulsa at masayang inihulog sa mga alkansyang inilabot ng mga Tzu Chi volunteers.
Nagbasa rin ang isang Tzu Chi volunteer ng sulat ng pagmamahal at pagmamalasakit mula kay Master Cheng Yen para sa mga biktima ng bagyong Kiko sa Zambales. Habang seryosong binabasa ng isang volunteer ang sulat, tahimik ang mga lokal. Sa sulat, ipinabatid ni Master Cheng Yen ang kanyang pakikiramay sa mga biktima at sinabing ang mga Tzu Chi volunteers sa buong mundo ay nag-aalala para sa kanila. Ipinaabot sa kanila ni Master Cheng Yen ang kanyang dalangin na sana’y agad na makaraos ang mga biktima sa kanilang sinapit na trahedya sa tulong ng pangangalaga ng mga volunteers.
Sa tulong ng opisyal ng lokal na pamahalaan, 17 Provincial Disaster Operation Center (PDOC) at 48 lokal na volunteers, ang mga lokal ay maayos na nagagabayan sa mga lugar ng relief operation.
Ang bawat pamilya ay pinagkalooban ng 10-50 kilong bigas, mga pangunahing kagamitan sa bahay, thermal blanket mula sa Taiwan at mga damit. Mula sa pagpapala ni Master Chen Yen, tagapagtatag ng Tzu Chi Foundation, namahagi rin ang mga Tzu Chi volunteers ng Php500 na tulong-pananalapi sa bawat pamilya kasama ang pahayagan ng Tzu Chi, Jing Si Aphorism booklets, at sulat ng pakikiramay mula sa Master.
Samantala, sa pagdalo ni Zambales Governor Amor Deloso sa relief activity ay nasaksihan niya ang kabaitan at pagmamalasakit ng mga Tzu Chi volunteers kaya’t hindi niya napigilang ipahayag ang kanyang paghanga sa Tzu Chi Foundation.
“Napakasaya ko dahil sa relief operation ng Tzu Chi Foundation. Bukod sa pagbibigay ng mga gamit, ginising ninyo (Tzu Chi) ang mga isipan ng mga tao rito na sila;y magmahalan at magtulungan. Nakita ko na ang inyong ginawa (relief operation) ay sistematiko at napakaayos,,”wika ni Gov. Deloso.
Ang pagbuhos ng pagmamahal sa iba’t ibang lugar
Matapos ang pamamahagi ng mga relief goods sa Taugtog, nagtungo na ang mga volunteers sa Barangay San Juan. Sa kabila ng mainit na sikat ng araw, buong pagpupunyagi na inilunsad ng mga Tzu Chi volunteers ang relief operation na nakatugon sa 432 pamilya sa lugar.
“Nagpapasalamat kami dahil pumunta dito ang Tzu Chi Foundation at maraming ibinigay sa mga binaha at kumpleto pa. Maraming salamat sa inyo,” ani Atty. Cherry Deloso-Montalla, anak ni Governor Deloso na nakilahok din sa gawain.
Ang mga biktima ay napakaligaya habang inaabot sa kanila ng mga volunteers ang mga sako ng bigas at mga kagamitan sa bahay. At ang mas nagbigay kasiyahan sa kanila ay ang tulong-pinasyal na ibinigay ng foundation.
“Ang perang ito ay napakalaking tulong. Kapag naubos na ang inyong mga ibinigay, gagamitin ko ang perang ito upang ipambili ng mga gamit ng pamilya ko,” sabi ni Cristina Dial, 31, ng Barangay San Juan.
Bago umalis, kinuha rin ni Dial ang Jing Si Aphorims booklet na ibinigay sa kanya ng mga volunteers at ang nagustuhan niyang kasabihan ay: Ang nakataob na palad ay pagbigay ng tulong; ang nakasahod na palad ay paghingi ng tulong. Ang pagbigay ng tulong ay nakakasiya, ngunit ang paghingi ng tulong ay nakakasakit sa loob.”
“Ibig sabihin nito na mas mabuti ang nagbibigay kaysa ikaw ang tumatanggap. Gagawin ko ang kasabihan na ito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa akin mga kapitbahay ng binigay ninyo tulad ng bigas,” pahayag ni Dial.
Habang inaayos ang mga bagay na kanyang natanggap, napahinto si Felix Lumapit, 47, upang basahin ang Jing Si Aphorisms.
“Nagustuhan ko ang kasabihan na ito: “Higit na mabuti ang magkaroon ng mapagbigay na puso kaysa sa malawak na bahay.” “Ibig sabihin nito ay dapat hindi maging makasarili at maramot sa mga biyayang iyong natatanggap,” ani Lumapit.
Dinagdag niyang “Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko dahil sa mga bagay na ibinigay ninyo sa amin. Ngayon lang ang kauna-unahang beses na nakatanggap kami ng ganitong tulong na hindi na kailangang dumaan sa mga opisyal ng gobyerno.”
Isang araw bago ang nakatakdang petsa ng relief operation, bumisita ang mga Tzu Chi volunteers sa mga Barangay ng San Juan at Carael at nakita nila ang natira sa mga lugar na ito. Ang mga kabahayan at mga bukid ay bigla na lamang naglaho at tanging kulay-tsokolateng tubig at putik na lamang ang nakikita.
Ang mga Taiwanese Tzu Chi Apprentice Training Commissioners na sina Fang Lin Hsu at Anna Chang, na galing pa ng Subic ay hindi inalintana ang pitong oras na byahe hanggang sa Botolan para lamang ipaabot ang kanilang tulong sa mga nagdadalamhating pamilya.
“Noong nakaraang Huwebes, isa sa mga kasamahan ko sa trabaho ang nagsabi na maaari kaming pumunta sa Botolan galing sa Subic kung sasakay kami ng four-passenger boat, tapos tricyle at maglalakad nang malayo. Pero noong tiningnan namin ang ruta na kanyang sinasabi, nalaman namin na imposible makapunta doon kaya’t dumaan na lang kami ng Pangasinan para makapunta dito,” salaysay ni Chang.
“Kahit inabot kami ng ilang oras sa byahe para makapunta dito (sa Botolan), napakasaya ko pa rin dahil nakasama ako sa relief operation ng Tzu Chi. Nang nakita ko ang lola na ito na umiiyak, nararamdaman ko rin ang sakit. Alam ko na ang nangyayari sa Taiwan ngayon ay malubha. Nalulungkot ako kapag nanonood ko ng telebisyon. Ang tanging bagay na magagawa ko dahil nandito ako ay tawagan ang aking mga kaibigan at pakiusapan silang magbigay ng anumang donasyon,” dagdag ni Chang.
Naging pagkakataon din ito ni Romalyn Yco, 29, na makatulong sa kanyang mga kababayan sa Botolan. Si Yco ay 10 taon nang nagtatrabaho sa isang computer manufacturing company. Sinabi niya ang na kanyang supervisor, na isang Tzu Chi volunteer, ay nagtanong sa kanya at sa mga katrabaho kung gusto nilang sumama sa relief operation ng Tzu Chi sa Botolan. Si Yco at apat na katrabaho ay sumama nang walang pag-aalinlangan.
“Ito na ang pagkakataon ko para makatulong sa mga kababayan ko na nawalan ng tahanan at bukirin dahil sa flash flood. Nakakalungkot para sa akin na nahihirapan sila ng ganito ngunit masaya na rin ako dahil nagpunta rito ang Tzu Chi para tulungan sila,” ani Yco.
Nabuhay ang mga mapagmalasakit na puso
Matapos ang sandaling pannghalian, ang mga Tzu Chi at lokal na volunteers ay nagtungo na sa Barangay tampo, kung saan 304 pamilya mula sa mga barangay ng Batonlapoc at Carael ay tahimik na naghihintay sa pila. Ito’y isang maaliwalas na hapon at timtimang ipinagpatuloy ng mga Tzu Chi volunteers ang relief activiy.
Bago simulan ang pamamahagi ng mga tulong, ipinakilala muna ng mga Tzu Chi volunteers sa mga nasalanta ang pinagmulan ng Tzu Chi. Ito ay ang mga panahon kung saan ang isang pangkat ng 30 maybahay ang araw-araw na naghuhulog sa alkansya ng 50 sentimo at kanilang iniipon dahil sa pagmamahal at hangaring makatulong.
Mula sa inspirasyon kay Master Cheng yen na ang bawat kontribusyon, anuman ang halaga nito ay magiging malaki kapag pinagsama-sama, ang mga nakaligtas sa flash flood ay walang pag-aalinlangan na naghulog ng kanilang mga donasyon sa mga alkansyang inilibot ng mga Tzu Chi volunteers.
Isang lalaki na kasama ng iba pang nakatanggap ng relief, ang agad na dumukot ng barya sa kanyang bulsa at naglabas ng Php20. Nakangiti niyang inihulog ang pera sa alkansya ng Tzu Chi na ikinatuwa naman ng mga volunteers.
“Ang perang ibinigay ko ay para sa iba pang naapektuhan ng baha. Pero mas malaki pa ang halaga ng ibinigay ninyo sa amin dahil sa Php20 na aking ibinigay ay hindi ako makabibili ng bigas, blanket at iba pang pangangailangan,” banggit ni Wilso Baluyot, 49.
Pangunahing ikinabubuhay ni Baluyot ang pagsasaka at pag-aalaga ng hayop. Ngunit, binanggit niya na sa ngayon ay hindi pa siya makakapaghanapbuhay dahil tinangay ng bahay ang kanyang mga ari-arian.
Umabot sa 2,154 sako ng bigas ang naipamahagi sa mga pamilya at ito’y ibinatay sa bilang ng myembro na mayroon sila. Ang isang pamilyang may isa hanggang dalawa ay nakatanggap ng 10 kilo, tatlo hanggang apat na kasapi ay nakatanggap ng 20 kilo, lima hanggang anim na kasapi nakatanggap ng 30 kilo, pito hanggang walo ay nakatanggap ng 40 kilo at siyam na myembro o higit pa ay nakatanggap ng 50 kilo.
Bago magsinop ng mga kagamitan ang mga Tzu Chi volunteers, ilan sa mga nasalanta mula sa Barangay Carael ang lumapit sa kanilang upang humingi ng mga relief items dahil kailangan nila ng mga ito. Sapagkat nauunawaan nila na ang anim na pamilyang ito ay tunay na nangangailangan, pinagbigyan ng mga volunteers ang kanilang kahilingan.
Apat sa mga pamilyang ito ay nabigyan ng tig-dalawang sako ng bigas at dalawa sa mga ito ay tig-isang sako ng bigas . Lahat ay umuwi na may bitbit na kumpletong set ng mga kagamitan sa bahay.
Bilang paraan ng pasasalamat ng Tzu Chi sa pagsuporta sa kanila, pinagkalooban ng munting handog ang kawani ng Tanggapan ng Gobernador na si Bobby Cruz; 17 manggagawa mula sa PDOC, 38 lokal na volunteer at 10 lokal na volunteer na nagluto.
Ilang minuto makalipas ang alas-tress ng hapon at natapos na ang relief operation. Habang sila’y papauwi na, binaon ng mga Tzu Chi volunteers ang magaan na pakiramdam at kaligayahan dahil sila’y nakatulong sa mga biktima ng bagyong Kiko sa Botolan, gayundin ang kaligayahan na nagising nilang ang likas na kabutihang-loob ng mga tao na pinaniniwalaan ni Master Cheng Yen na tinataglay ng bawat isa. |