Issue No.: 23
Mga Natatanging Inspirasyon
Naghandog si Haring Bimbasara ng Isang Kagubatan
Isinalin sa Ingles ni: Lin Sen-shou
Tinumbasan sa Filipino ni: Nyanza Nakar
  
Simula nang magturo si Buddha, ang bilang ng kanyang disipulo ay unti-unting dumarami at ang kapulungan ng mga mongha ay banayad na lumalaki. Subalit ang kanilang buhay ay nananatiling simple- kumakain lamang sila ng isang beses sa isang araw, natutulog sa ilalim ng mga puno, walang permanenteng tirahan, at iba pa. Isang araw, pinamunuan ni Buddha ang kanyang mga mongha pababa ng Bundok Gayasiras papuntang Rajagrha, kung saan may kagubatan ng kawayan. Nang malaman ni Haring Bimbasara na naging Buddha na si Prinsipe Siddartha at kasalukuyang nagtuturo malapit sa kagubatan, masaya siyang nagtungo doon upang bumati.

Napakasaya niya nang makita si Buddha. “ Nalulugod akong makita na ganap ka nang naliwanagang santo. Naaalala ko noong asetikong mongha ka pa lamang, nangako ka sa akin na babalik ka upang ako’y turuan. Nang nabatid kong nandito ka na, nagmadali akong tumungo dito upang ika’y batiin. Ako’y labis na humahanga sa iyong banal na dignidad.”

“Inyong Kamahalan, hindi ko na rin kayo nakita sa mahabang panahon,” tugon ni Buddha. “Nang naglalakbay ako upang humanap ng gurong pantas, nagtungo ako sa inyong lugar at buong puso ninyong ninais na ibahagi ang kalahati ng inyong kaharian sa akin. Ngunit batid kong may kakayahan kayong magbigay ng limos nang walang pag-iimbot. Dahil dito’y magkakaroon kayo ng mabuting kapalaran sa hinaharap.”

Sinabi ng hari “Sa buhay ko, mayroon akong limang kahilingan. Hiniling ko na sana isang araw ay maging hari ako. Ang kahilingang iyon ay nagkatotoo. Matapos kong maging hari, ninais kong maging mabuting pinuno upang mamuhay nang mapayapa ang aking mga nasasakupan. Ang pangalawa kong kahilingan ay natupad din. Ang ikatlong kong kahilingan, nawa’y magkaroon ng isang santo sa mundong ito at siya’y masisilayan ko. Ngayo’y nakita kita kaya’t nagkatotoo ang kahilingan iyon. Ang ikaapat na kahilingan ay maturuan mo ako. At ang ika-limang kahilingan, sana’y hindi ko lamang maririnig ang iyong mga aral , bagkus ay lubusang maunawaan at maranasan ang Katotohanan.”

Nagpatuloy ang hari “Ngayong araw, tila matutupad na ang lahat ng kahilingang ito. Maiksi lamang ang buhay, at walang anuman ang aking pagmamay-ari. Nauunawaan ko ang iyong mga pangaral, subalit ngayon, mayroon pa akong isang kahilingan.”

“Ano iyon?” tanong ni Buddha.

“Sana’y tanggapin mo ako bilang karaniwang disipulo.” Agad na sumang-ayon si Buddha.

Muling sinabi ng hari, “May isa pa akong kahilingan- Sana’y ikaw at ang lahat ng iyong mga mongha ay magtungo sa aking palasyo para sa isang salu-salo.” Sumang-ayon si Buddha sa kanyang pakiusap. Ito ang unang pagkakataon na tinanggap ni Buddha ang paanyaya ng isang hari.

Sumunod na araw, ang kapulungan ay nagtungo sa palasyo at ang hari, bilang disipulo ni Buddha, ay taus-pusong nag-alok sa kanila ng pagkain. Matapos ang salu-salo, inihayag ng hari “ Buddha, labis ang aking kasiyahan dahil lahat ng aking kahilingan ay natupad, ngunit ngayon mayroon pa akong isa pang kahilingan.”

“Ano iyon?” tanong ni Buddha.

“Ikaw at iyong kapulungan ng mongha ay walang permanenteng tirahan. Hindi ba kayo nahihirapan? Noong una kayong pumunta sa aking kaharian, nanirahan kayo sa kagubatan ng kawayan. Nais niyo ba talaga ang lugar na iyon? Nais ko sanang ihandog ang kagubatan sa iyo at sa iyong mga mongha.

Napakasaya ni Buddha. “Simula sa panahong tayo’y nagkakilala hanggang sa ngayon, naiisip pa ninyo ang ganoong mga bagay. Dahil buong kagalakan mong ipinagkakaloob ang gubat na iyon, kaya’t napakasaya ko.”

Mula noon, si Buddha at ang mga mongha ay nanirahan na sa gubat. Marami ring tao ang nagtutungo roon upang makinig sa mga pangaral ni Buddha. Isang matanda ang nakapansin na si Buddha at ang kanyang mga mongha ay nababasa tuwing umuulan. Naaawa siya sa kanila kaya’t nagtanong siya kay Buddha, “ Maaari bang makiusap sa ibang mga tagasunod ninyo na magtayo ng bahay para sa iyo at sa iyong mga mongha bilang paghahandog?”

Tinanong ni Buddha ang ibang mga mongha ukol sa kanilang pananaw. Ang lahat ay masaya ukol sa mungkahi, kaya’t naitayo ang mga silid. Sa kabuuan, animnapung silid ang naipagawa. Ito ang kauna-unahang permanenteng tirahan para kay Buddha at sa kanyang mga mongha. Dahil sa nasisiyahan ang mga tagasunod ni Buddha sa pakikinig ng kanyang mga pangaral, nagpagawa sila ng silid para sa mga mongha at hinandugan nila ng mga pagkain at mga donasyon. Ang lahat ng itoy mula sa diwa ng bukal sa pusong pagbibigay. Daan din ito upang ang mga pangaral ni Buddha ay manatili sa mundo upang matuto ang lahat ng nabubuhay na nilalang.