 | Tuwing ika-pitong Buwan sa Kalendaryong Lunar, maraming Tsino ang nag-aalay at nagsusunog ng mga pekeng perang papel para matagpuan ang kapayapaan. Ang buwan na ito ay itinuturing ng mga Budista bilang mapalad; panahon ng kaligayahan; pagpapasalamat, paggalang at pagmamahal sa magulang.
Dapat tayong magdiwang sa pamamagitan ng pag-aalay ng panalangin para sa kapayapaan ng buong mundo, pag-aayuno at pagsasagawa ng vegetarian diet para mapangalagaan ang ating buhay at ang kapaligiran. Magkakaroon ng kapayapaan at kaligayahan kung madadalisay natin ang ating katawan at kaluluwa; at maisasantabi ang mga pamahiin.
Itinuturing ng mga Budista na ang Ika-pitong Buwan sa Kalendaryong Lunar ay isang mapalad na buwan at buwan ng pag-aalay ng pasasalamat, Sa kabilang banda, ang mga tradisyon sa Tsino ang nagsasabi na sa buwang ito ay dapat nating gunitain ang mga kaluluwa ng mga namayapa sa pamamagitan ng pagsunog ng perang papel at pagsasakripisyo ng buhay ng mga hayop.
Ang paniniwalang ito ay nagmula sa pamumuhay noong unang panahon. Noon, ang kaakibat ng ekonomiya ng pagsasaka ay kahirapan; ang mga pagkain sa araw-araw ay karaniwan lamang maliban kapag may mga kapistahan. Ito lamang ang mga pagkakataon na naghahanda nang masagana ang mga tao. Ngunit sa ating modernong lipunan, hindi na pinangangalagan ang ganitong uri ng tradisyon dahil ang pag-aalay ng sakripisyo ay palaging may kalakip na pagpatay, na nag-iipon ng masamang karma; samantalang ang pagsusunog ng mga perang papel ay nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran. Ito’y parehong naghahatid ng hindi kanais-nais na epekto.
Bakasyon sa Tag-araw/Bakasyon sa Tag-ulan
Sa panahon ni Buddha, ang tag-araw sa India ay tag-ulan din kung saan may mga nakalalasong insekto na namumugad sa paligid. Samakatwid, hindi ligtas para sa mga kasapi ng Sangha na mamalimos sa labas. Kaya’t sa loob ng tatlong buwan, mula sa ika-15 araw ng ika-apat na buwan hanggang sa ika-pitong buwan ng kalendaryong lunar at itinuturing na Bakasyon sa Tag-araw/ Bakasyon sa Tag-ulan, ang mga kasapi ng Sangha ay nasa loob lamang para sa meditasyon. Sa mga panahong ito, ang mga disipulo ay mag-aalay ng pagkain sa mga kasapi ng Sangha. Ang tatlong buwan na bakasyon ay pagkakataon ng mga disipulo na mapaunlad ang pagsasabuhay ng dharma. Kapag nakumpleto na ito, napakaligaya ni Buddha at nakadarama ng kasiyahan at pagpapala ang kanyang mga tagasunod. Mula noon, ang ika-15 ng araw ng ika-pitong buwan ng kalendaryong lunar ay kinilala bilang Masayang Araw ni Buddha.
Isang pang kwento tungkol sa Ika-pitong Buwan ng Kalendaryong Lunar ay tungkol kay Maudgalyayana, isa sa 10 disipulo ni Buddha. Nais niyang mailayo ang kanyang ina at ang ibang tao mula sa impyerno. Kaya nang makumpleto niya ang Bakasyon sa Tag-araw, noong ika-15 araw ng Ika-pitong Buwan ng Kalendaryong Lunar, nag-alay siya sa mga Sangha. Gumawa siya ng mabuti para sa sa dakilang pagpapalaya na ito. Ito ang kinikilala ngayon na Ullambana o Pagpapalaya ng mga karaniwang tao mula sa Pagdurusa. Ito ay nagpapaalala sa atin ng tungkol sa pagpapasalamat, pagmamahal at pagpapahalaga sa ating mga magulang. Kaya’t kinilala din ito bilang Araw ng Pagpapahalaga at Pagmamahal sa mga Magulang.
Sa pag-unawa natin sa kahalagahan ng Pagpapalaya mula sa Pagdurusa, makabubuti na dalisayin ang ating mga isipan, iwasan ang mga pamahiin at magsikap na magtipid. Maaari rin tayong mag-alay ng taimtim na panalangin para sa kapayapaan at katatagan upang tayo’y magkaroon ng ligtas, payapa at masayang mundo.
Ang pinagmulan ng perang papel
Noong unang panahon, ang mga karaniwang tao ay gumagamit ng mga tangkay ng abaka bilang toilet paper; habang ang mga mayayaman ay gumagamit ng magagaspang na toilet paper. Ang mga magagaspang na papel ay katulad ng kasalukuyang perang papel na ginagamit bilang alay sa tuwing sumasapit ang Ika-pitong Buwan sa Kalendaryong Lunar. Ngunit, maliwanag na ang paggawa ay nagmumula sa puso at hindi mismo sa pag-aalay ng anuman. Samakatwid, ang pagsusunog ng perang papel ay karagdagang kalat, magdudulot ng sunog, at sanhi ng polusyon sa paligid.
Minsan, isang lalaki mula sa Jiayi ang dumalaw kay Master Cheng Yen sa Hualien at nagsabing “Master, taun-taon ay nagsusunog ako ng mahigit sa 10 libong dolyar na halaga ng perang papel.” Nagtanong si Master, “ Bakit mo ginagawa iyon?” Sumagot siya, “Madalas akong nagkakasakit kaya’t sinabi sa akin ng iba na dapat akong magsunog ng perang papel para maging malusog ako.”
Ilang araw bago ang pagbisita ng lalaki, nagsunog na siya ng halos isang trak ng perang papel na nagkakahalaga ng NT$80,000. “Pagkatapos nito ay naging mabuti ba ang iyong pakiramdam?” Tanong sa kanya ni Master. “Hindi. Dahil parang sinusunog ko ang aking sarili dahil sa sobrang init, at napagod ako noong sumunod na tatlong araw. Hindi naging mabuti ang pakiramdam ko. Ito ang dahilan kaya’t pinapunta ako rito ng kaibigan ko para humingi ng payo mula sa iyo.”
Kaya’t naikwento ko sa kanya ni Master Cheng Yen ang tungkol sa pagsusunog ng salaping papel bilang alay:
Noong unang panahon, may mag-asawang nabubuhay sa pagtitinda ng mga papel. Hindi maganda ang takbo ng negosyo dahil marami pa ring naka-imbak. Nakaisip ng paraan ang maybahay upang mabilis na maipagbili ang mga papel. Pinagpanggap niya na isang patay ang kanyang asawa, at umiyak siya nang malakas para makuha ang pansin ng kanyang mga kapitbahay.
Habang dumadagsa ang mga tao sa kanyang bahay, nagsagawa siya ng isang ritwal. Naglagay siya isang balde na yari sa bakal at nagsimulang magsunog ng ilang bigkis ng papel na nagmimistulang salaping papel para baunin ng kanyang ‘namayapang’ asawa sa kabilang buhay.
Napag-usapan nila na ang asawang lalaki ay uupo sa kabaong at ibubulalas na: “Dahil nagsusunog ng napakaraming papel ang aking asawa para sa akin, ngayon ay mayroon na akong ilaw na magsisilbing gabay sa pagbalik ko sa aming bahay.” At ipinaliwanag naman ng natutuwang maybahay na,” Narinig ninyo ang kanyang sinabi? Ang pagsusunog daw ng perang papel ay magiging liwanag sa kanyang landas kapag bumalik siya dito.” Katulad ng inaaasahan, agad na naubos ang kanilang itinitindang mga bigkis ng papel. Mula noon, ang alamat ay nagpasalin-salin at naging tradisyon.
Dahil sa nabatid na natin ang pinagmulan ng tradisyon, dapat nating pag-isipan kung ipagpapatuloy pa natin ang ganitong gawain. Kapaki-pakinabang ba ang pag-aaksaya ng pera at kagamitan na hindi lamang maaaring magdulot ng sunog ngunit makakaapekto sa kalusugan at magbibigay ng polusyon sa kapaligran?” |