Issue No.: 28
Pangunahing Balita
Clean-up drive ng Tzu Chi sa Baybay-Dagat ng Dreamland,
Nagsimulang Dumalisay ng mga Puso sa Pamamagitan ng Vegetarianism
Madona Corado
  
“Let us leave for our children a planet clean and pure. May this great compassion make a stream of pure great love. Flowing ‘round the planet, changing hearts forever more.”

Tulad ng mensaheng nais iparating ng awit ng Tzu Chi, ang mga volunteers ng Tzu Chi Foundation, Philippines kasama ang mahigit sa 1,000 katao mula sa iba’t ibang antas ng lipunan, ay nagkaisang sagipin ang kapaligiran nang isinagawa ang “clean-up drive” sa maruming baybay-dagat ng Dreamland, isang mahirap na pamayanan na itinayo malapit sa imbakan ng basura sa Rosario, Cavite, noong ika-3 Mayo, 2009.

Pitong sasakyan ang nagtungo sa Dreamland na lulan ang humigit-kumulang 400 Tsino at Pilipinong volunteers ng Tzu Chi, Tzu Chi Youth, at mga kawani, na malugod namang sinalubong ng mahigit sa 500 residente ng Dreamland na magkakabigkis sa paglilinis ng baybay-dagat. Nakiisa rin sa clean-up drive ang Binondo-Paco Volunteer Fire Brigade sa pangunguna ni Gerie Chua ng Eng Bee Tin, mga Coral Reef Divers at Watchmen ng Rosario Cavite, at mga kawani ng pamahalaang lokal.

“Simula noong pinag-uusapan ang gawaing ito, hindi namin akalaing magiging matagumpay. Binabalak naming makahimok ng 1,000 volunteers na makikiisa sa gawain ngunit napakasaya at nagpapasalamat kami dahil labis pa sa aming inaasahan ang nagtungo. Ngayon, habang pinupulot natin ang mga basura sa paligid, hindi tayo itinuturing na mga basurero bagkus mga tagapangalaga ng mundo,” banggit ng Chief Executive Officer ng Tzu Chi Philippines na si Alfredo Li sa isang maiksing palatuntunan bago simulan ang gawain.

Si Mayor Nonong Ricafrente ng Rosario, Cavite, kasama ang iba pang opisyal at kasapi ng lokal na pamahalaan, ay nagpakita ng buong suporta at pasasalamat sa Tzu Chi Foundation. “ Ipinaaabot namin ang pasasalamat sa Tzu Chi Foundation para sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga taga-Dreamland; at ngayo’y nagpasimula sa paglilinis ng kanilang kapaligiran at para na rin sa kapakinabangan ng mga tao sa Cavite,” banggit ni Mayor Ricafrente.

Binigyang-diin ni Mayor Ricafrente na upang mapanatili ang nasimulan ng mga volunteers, ang lokal na pamahalaan ay magpapataw ng parusa sa sinumang mahuhuling magtatapon ng basura sa dagat. Dinagdag niya rin na ang clean-up activity ang nagbukas ng pinto para sa mas malaking pagkakataon ng pagbabago ng isang tambakan ng basura at mahirap na lugar tungo sa pook na maaaring pagkakitaan at dayuhin ng mga turista.

Samantala, nakibahagi rin sa gawain ang mga tagapag-ulat at cameraman ng ABS-CBN, IBC 13, AM@ IBC, at NBN Channel 4. Ito’y bilang pagtupad ng mga Tzu Chi volunteers sa payo ni Master Cheng Yen na anyayahan ang mga kasapi ng lokal na midya upang mas mapalaganap ang panawagan sa pangangalaga ng kalikasan.

“Madalas ako ang kumakapanayam at ngayon ako naman ang kinakapanayam,” ani Jess Caduco, tagapag-ulat ng IBC 13. “ Unang pagkakataon para sa akin na masaksihan ang ganitong kaganapan at nalulugod akong mabatid na mayroon pang mga tao na nagmamalasakit sa mga kapus-palad at sa kapaligiran. Hangad kong sa tulong ng midya ay maipalaganap ang ganitong uri ng balita, at maiparating ito sa maraming tao.”

Tulad ng walis tingting
Napakainit ng sikat ng araw, nagkalat sa lugar ang mga basura na pinagmumulan din ng mabahong amoy. Magkagayunman, nananaig pa rin sa puso ang hangaring maisakatuparan ang pangangalaga sa kapaligiran at sa lipunan, kaya’t ang mga Tzu Chi volunteers at residente ng Dreamland ay naghanda ng mga panipit, walis tingting, dustpan at mga sako upang pulutin, walisin , ipunin at hukayin ang mga buhangin para malinis ang baybay-dagat mula sa iba’t ibang uri ng dumi na naipon sa loob ng mahigit 10 taong pagtatapon ng basura dito.

“Sana’y masundan ng mga naninirahan sa Dreamland ang ating mga yapak at patuloy na pangalagaang mabuti ang kapaligiran,” sabi ni Dr. Cheung Lai Chun, isang TIMA volunteer at Puno ng Tzu Chi Dentures Services,habang nagpupulot ng mga basura.

Katulad ng mga walis tingting na nakawawalis kapag pinagbigkis, ang mga Tzu Chi volunteers at mga residente ng Dreamland ay nagkaisa sa paglilinis ng baybay-dagat. Bilang resulta sa pagsisikap na ito, nakakolekta ang pangkat ng nakabibiglang pitong toneladang basura mula sa paligid lamang na may 500 metrong kahabaan ng baybay-dagat. Patunay lamang ito na ang kapabayaan sa kapaligiran maging sa maliit na lugar ay mapupunan ng ganito karaming basura.

Sa mahigit na isang oras, ang mga volunteers at mga residente ay nalinis ang baybay-dagat at nagunita nilang lahat ang payapa at malinis na dagat at baybay-dagat.

“Napakasaya namin. Ito ang unang beses na nalinis ang lugar na ito at naging maganda. Hindi ko pa nakitang malinis ang lugar na ito simula noong 1999. Maraming salamat sa Tzu Chi,” pagbabahagi ni Mary Grace Cruz, isa sa mga residente.

Bagama’t naglaan ang mga Tzu Chi volunteers ng kagamitang pamproteksyon tulad ng mga guwantes at facial masks, ang iba sa mga kalahok na karamiha’y mula sa mga taga-Dreamland na naglinis nang nakayapak ay nasugatan. Ayon kay Cruz, nang buhatin niya ang isang sako ng mga basura at aksidenteng dumulas, nahulog ito sa kanyang paa. Naramdaman niya ang mabigat at matulis na bagay na nakasugat sa kanyang paa. “Nagpapasalamat ako dahil may pangunang lunas ang Tzu Chi at mga nars upang linisin ang aming sugat.”

Paglinis sa kapaligiran, pagdalisay ng mga puso
Sa isang palatuntunan na magbibigay ng konklusyon sa gawaing ito, ang mga volunteers at mga residente ay muling nagkatipon. Sa pagkalat ng AH1n1 virus (Swine Flu), ang clean-up drive ay naglalayong hindi lamang malinis ang kapaligiran, bagkus malinis din ang puso’t isipan ng mga tao. Matapos ang taos-pusong pagdarasal na maging malaya ang mundo mula sa mga sakuna at sakit, nanawagan ang mga Tzu Chi volunteers sa bawat isa na maging vegetarian. Si Dharma Master Cheng Yen, Tagapagtatag ng Tzu Chi Foundation, ay humihiling sa bawat isa na manalangin, maging maingat at iwasan ang pagkain ng karne at maging vegetarian. Ang layunin ng pangingilin ay makapaglilinis ng isipan, makapagbabawas ng labis na hangarin at makapagtitibay ng kaasalan.

Ang mga volunteers at residente mula sa iba’t ibang antas ng lipunan ay tumugon sa panawagang ito sa pamamagitan ng pangakong magsasagawa ng vegetarian diet. Sa kabuuan, 41 katao ang nangakong maging vegetarian sa isang araw; isang tao sa loob ng dalawang araw; apat sa loob ng tatlong araw; dalawa sa 10 araw; 127 sa isang linggo; 79 sa loob ng isang buwan; isa sa loob ng anim na buwan; isang tao na dalawang beses sa isang buwan; 30 sa isang taon; pito habang sila’y nabubuhay; at 87 hanggang sa susunod na buhay.

“Nangako akong maging vegetarian habang buhay. Nalaman kong ang karne lalo na ang baboy ay pinagmumulan ng iba’t ibang sakit. Nais lang naming maging malusog at hindi naman namin kayang bumili ng karne kaya’t kakain na lamang kami ng mga gulay at prutas,” pahayag ni Anabella Rio.

Bago matapos ang kaganapan, namahagi ng mga tinapay at tubig ang mga Tzu Chi volunteers sa mga nauuhaw at nagugutom na tagapangalaga ng mundo. Ang lokal na pamahalaan ay nagdala rin ng malalaking lagayan para sa inuming tubig.

Samantala, tatlong trak ng bumbero mula sa Binondo-Paco Fire Brigade ang naglaan ng tubig para sa mga residente ng Dreamland. Isang malinaw na patunay ng pagkasadlak sa kahirapan ng mga residente ng Dreamland ay ang paglanghap sa mabahong amoy mula sa tambakan ng basura, pagtitiis sa kawalan ng kuryente, mapagkukunan ng inuming tubig at mga palikuran.

“Unang beses kong pumunta dito sa Dreamland. Sa tingin ko, ang gawaing ito ay may positibong epekto sa mga buhay ng residente dito. Dumating ako dito na marumi ang lugar at matapos ang pagkakaisa nating lahat, malinis na ito. Ang fire brigade, kasama ang aking pamilya, ay sumusuporta sa mga gawain ng Tzu Chi sa lahat ng oras. Hangga’t hangad nating makamtan ang isang bagay, maaabot natin ito,” pagbabahagi ni Gerie Chua.

Bilang sukli sa malaking pagsisikap ng mga taong naglakbay ng humigit-kumulang isa’t kalahating oras mula sa Maynila para linisin ang pamayanang nababalutan ng mga basura bagama’t hindi nila sariling tahanan, ang mga naninirahan sa Dreamland ay naghandog ng mga kakanin sa mga Tzu Chi volunteers at sa iba pang mga kalahok. “Ginawa namin ang mga kakaning ito bilang pagpapahayag ng aming pasasalamat dahil sa hangarin ninyong mabigyan kami ng mas maayos na buhay,” ani Edna Poble, isang residente ng Dreamland at lokal na tagapag-ugnay.

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng pumunta at nakiisa sa amin, lalo na sa mga naglakas-loob na maging vegetarian habambuhay. Ang tagumpay ng kaganapang ito ay dahil sa kabutihang-loob ni Master Cheng Yen, na nagpasimula ng panawagan sa vegetarianism bilang pamumuhay na napupuno ng pagmamahal at kapayapaan para sa lahat ng nilalang,” pagwawakas ni Li.

Natuklasan ng Tzu Chi Philippines ang Dreamland nang naglunsad ng isang relief activity para sa mga nasalanta ng bagyo noong Agosto 2007. Nang makita nila ang kahirapan at pagdurusa ng mga tao sa pamayanan, ang mga Tzu Chi volunteers ay naglunsad ng medical mission at buwanang relief activity sa naturang lugar.

Maliban sa materyal na tulong, ginising din ng mga volunteers ang pagmamalasakit sa puso ng mga taga-Dreamland upang mapagtanto nila na ang kahirapan ay hindi hadlang upang maging biyaya sa ibang tao. Sa pamamagitan ng mga kwento na nagbibigay-inspirasyon na madalas ibinabahagi ng mga volunteers, ang mga residente ng Dreamland ay bumangon mula sa nakaaawang tagatanggap patungo sa mapagmalasakit na tagapagbigay. Upang maisabuhay ang dakilang pagmamahal na kanilang natatamasa mula sa mga volunteers, ang mga residente ng Dreamland ay nagtatabi ng piso sa bawat araw at buong puso nilang ipinagkakaloob ang lahat ng naipon sa Tzu Chi tuwing naglulunsad ng monthly relief activity.