Issue No.: 27
Mga Natatanging Inspirasyon
Pagdaig sa Krisis sa Pananalapi
Itinala ng pangkat ng mga tagapagsalin ng Jing Si Abode
Isinalin sa Filipino ni: Nyanza Nakar
  
Sa kasalukuyang krisis sa pananalapi na nakakaapekto sa iba’t ibang mga bansa, kailangan nating humanap ng paraan upang malampasan ang unos na ito sa ekonomiya.

Kamakailan lamang, nagkaroon ng malaking pagkabahala at pagkabalisa dahilan sa pandaigdigang krisis sa pananalapi. May mga taong labis na nawawalan ng pag-asa, at may mga nangagamba sa mga mararanasang kahirapan dulot ng pagbagsak ng ekonomiya. Sa kasalukuyang krisis sa pananalapi na nakakaapekto sa iba’t ibang mga bansa, ano ang ating magagawa upang malampasan ang unos na ito sa ekonomiya? Makatutulong tayo kung mas mauunawaan natin ang dahilan ng pagkasadlak sa ganitong kalagayan.

Pag-unawa sa pinagmulan
Noong mga sinaunang panahon, karamihan sa mga tao ay mahihirap at kaunti lamang ang nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral. Itinataguyod ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho na nagsisibing pundasyon upang sila’y makapamuhay. Ang pundasyong ito ay nawawala sa kasalukuyang panahon. Sa ngayon, dumarami na ang mga taong may mataas na natatamong edukasyon, nakakapag-aral sa kolehiyo at higit pa rito. Katambal naman nito ang pagkawala ng paghahanda sa pagtatrabaho. Lahat ay nagnanais ng madaling trabaho. Ang kanais-nais para sa karamihan ay ang pagkakaroon ng pera na hindi kinakailangang magtrabaho. Mas mainam kung manggagaling ang pera sa sarili nito, tulad ng mga naipon at puhunan at hindi na kinakailangang magtrabaho ngunit kaalinsabay nito ang paggastos ng malaking halaga. Nakikita ba natin ang pagkakasalungat at ang suliraning idinudulot nito sa tao? Ang hindi pagkahilig sa trabaho at ang pagkalulong sa kaginhawaan ay nag-ugat sa iisang bagay: ang matinding paghahangad sa mga material na bagay na ito ay may malaking kaugnayan sa krisis sa pananalapi na nararanasan natin ngayon.

Suriin na lamang natin ang paraan ng pamumuhay ng mga tao sa kasalukuyan. Sa panahong ito ay pinaigting ang pangangalakal dahil napalalago nito ang ekonomiya. Sa kalagayang ito, mas maraming tao ang nagiging maluho. Subalit saan nagmumula ang mga perang ginagamit ng tao upang makapamili? Maraming umaasa sa pangungutang. Ito ang nakatutulong sa kanila upang makapamili at nakapagdudulot ng pansamantalang kasiyahan lamang, at kalauna’y kinakailangang magbayad. Kapag nais ng tao na bumili ng sariling bahay, sila’y magsasangla. Kung nais nilang bumili ng kompyuter, refrigerator, at iba pang mamahaling bagay, gumagamit sila ng credit card bilang pambayad. Sa gawaing ito, katunayan ay nanghihiram lamang sila ng pera upang makabili ng mga materyal na bagay at namumuhay sa pangungutang. Kapag may nangyaring hindi inaasahan at nakaapekto sa kanilang kakayahang makapagbayad sa takdang panahon, madali itong nakapagdudulot ng suliranin sa pananalapi. Nagsisimula na rito ang kahirapan sa buhay.

Pamumuhay nang mainam at alinsunod sa sapat na pangangailangan
Kung nanaisin nating mamuhay nang payak at bawasan ang paggastos, mapagtatanto nating maaari ng mapunan ang lahat ng ating pangangailangan. Ang pamumuhay nang mainam at alinsunod sa sapat na pangangailangan ay makapagbibigay sa ating buhay ng matibay na pundasyon. Maliban sa hindi pagkabaon sa utang, makatutulong ito upang makapag-ipon at maghanda para sa iba pang pangangailangan tulad ng biglaang pagkawala ng trabaho. Sa tuwing gumagastos tayo para sa mga bagay na hindi natin kinakailangan, nababawasan ang ating naiipon. Inilalagay lamang nito sa panganib ang ating kakayahan sa pinansyal at nakaaapektuhan sa kalagayan ng ekonomiya.

Ang pagbagsak ng ekonomiya ay nagdudulot ng kawalan ng trabaho. Tumataas ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho sa kasalukuyan at maraming nababahala sa paghahanap ng trabaho. Katunayan, mayroong mga trabaho at maaaring hindi lamang akma ang trabaho sa pamantayang hinahanap ng tao. Kapag naghahanap ng trabaho, marami ang nagnanais sa mga trabahong may mataas na sahod, madaling gawain at malapit lamang sa bahay. Kung hindi tayo pumipili ng trabahong maaaring pasukan, mababatid nating napakaraming trabahong naghihintay para sa atin. Marami ring paraan upang magkaroon ng hanapbuhay.

Maging mapagkumbaba
Mayroong isang kasabihan na; “Mas mainam na turuan ang anak sa paglilinang ng sariling kakayahan kaysa pagkalooban siya ng malaking halaga ng salapi.” Kung malilinang ang kakayahan ng isang tao at matuturuan siyang humarap sa mahihirap na gawain, magsisikap siyang magtrabaho at gamitin ang sariling kakayahan upang itaguyod ang kanyang sarili. Ang pagtitiwala sa sariling kakayahan ay magsisilbing gabay sa buhay at maglalayo ng pokus sa ‘pag-iipon ng mga materyal na kayamanan. Kapag ginawa natin ito, hindi na natin kinakailangang mangamba tungkol sa mga pagbabago sa ekonomiya at hindi na lubusang maaapektuhan nito.

Kapag namuhay tayo nang may kababaang-loob pamumuhay ng ayon lamang sa ating mga pangunahing pangangailangan, pagtitipid sa halip na paggastos, at pagsisikap-- matutugunan ang lahat ng ating mga pangangailangan at makapamumuhay nang matiwasay. Patuloy ang pagtaas at pagbaba ng ekonomiya, mayroong yugto ng paglago at yugto ng pagbagsak. Kung makapamumuhay tayo nang maayos, ang mga pagbabago sa ekonomiya ay hindi makakaapekto nang lubusan sa atin. Kung babalik lamang tayo sa payak na pamumuhay, matutuklasan natin na ang matinding paghahangad ay lumilikha ng maraming pagdurusa at pagkabahala. Kung tayo’y kuntento, hindi natin mararanasan ang pagdurusa at pagkabahala. Bagkus, makapamumuhay tayo nang matiwasay at masaya. At magkakaroon ng pinakamaginhawang buhay.