 | Pangunahin sa mga tungkuling panlipunan ng midyang pangmadla na gabayan ang publiko tungo sa tamang landas upang tumibay ang kanilang pamumuhay sa halip na iligaw ng daan ang mga ito. Sa pagtupad lamang ng naturang tungkuling panlipunan, tiyak na maraming negatibong suliranin ang maiiwasan.
Ang midyang pangmadla ay may pananagutan na saliksikin ang katotohanan at iulat ito nang wasto at tapat; at gabayan ang mga mambabasa at manonood tungo sa mabuting landas. Samakatwid, ang midyang pangmadla ay may ginagampanang mahalagang tungkulin na kinakailangang nagtataglay ng katotohanan, kabutihan at kasiningan.
Ang midyang pangmadla ay napakahalaga sa kasalukuyang panahon dahil nakatutulong ito sa publiko upang makadagdag ng kaalaman, mas mapaginhawa ang pamumuhay at mas mapalawak ang pananaw sa buhay. Samantala, labis na bumabatay ang publiko sa mga impormasyon ng midyang pangmadla kaya’t nagiging masamang impluwensiya ito kung ang mga ulat ay nakatuon sa mga kaguluhang nagaganap sa lipunan. Maraming naniniwala sa midyang pangmadla kaya’t hinuhubog nito ang paraan ng pag-iisip ng publiko.
Ang midyang pangmadla ay may mahalagang papel na ginagampanan upang makalikha ng masayang tahanan at nagkakaisang lipunan. Tunay na magkakaroon ng malaking pag-asa para sa kinabukasan kung makapag-uulat lamang ang midya ng mga positibong pangyayari sa lipunan at maituturo ang daan tungo sa kabutihan.
Katunayan, marami ang mabubuting tao sa lipunan. Hindi naman kalabisang sabihin na maraming mabubuti ang puso sa lahat ng antas ng lipunan. Samakatwid, ito ang tungkuling panlipunan, at pampropesyunal na kaasalan ng midyang pangmadla: bigyang pagpapahalaga sa mga pag-uulat ang mga mabubuting gawi ng mga tao.
Ang mga balita ay dapat nagtataglay ng katotohanan dahil ito ang hindi magliligaw at maglalason sa isipan ng mga tao.
Madalas na ipinapahayag ng midya na wala itong pinapanigan sa pag-uulat. Ngunit paano mapatutunayan na totoong walang pinapanigan? Para kay Master Cheng Yen, ang pagiging tapat ay walang kinikilingan at ang pagsasantabi ng katotohanan ay may kinikilinagn. Ang tanging daan tungo sa pagbabago at pagdadalisay ng isipan ay matapat na pag-uulat ng katotohanan, ang mabubuti at magagandang pangyayaring nagmumula sa kalikasan ng tao.
Sa kasalukuyang magulong lipunan, ang mga volunteers na nagsasagawa ng dokumentaryo at maging ang ating mga kawani, ay nararapat na tiyakin ang tiwala, katotohanan, katapatan at katarungan bilang batayan sa pag-uulat.
Ang pag-uulat ng midya ay susi sa paghubog ng kultura ng kapayapaan at katiwasayan. Lumalabas ang mga suliranin kung ang hangaring makalikha ng mabuting impluwensiya ay nawawala sa pag-uulat ng midya. Ang pagtuon ng midya sa pagsisiwalat at pagbibigay-diin sa mga sakit ng lipunan, pagpapalabas ng mga pribadong buhay ng mga artista, at iba pa, ay maghahatid sa publiko ng kalituhan at kawalan ng paghahatol sa tama at mali. Ito rin ay humahantong sa kawalan ng direksyon ng lipunan.
Ang paglikha ng mabuting impluwensya ay isang gabay sa pag-uulat. Ito’y upang matiyak na hindi malilihis o maliligaw ng landas at upang sundin ng mga mambabasa o manonood.
Lubos na nagpapasalamat si Master Cheng Yen sa lahat ng mga volunteers at kawani na gumagawa ng dokumentasyon, sapagkat napapangalagaan nila ang sinupan (archive) ng mga klasikong kaganapan sa buhay ng tao. Ito’y sa pamamagitan ng mga magasin at aklat na nilalathala nang buwan-buwan, pagbobrodkast, pagpapalabas sa telebisyon at iba pang uri ng elektronikong komunikasyon. Hinahangad ni Master Cheng Yen na ipagpatuloy nila ang pagtatala ng mga klasikong sinupan ng mga nabubuhay na mga Bodhisattvas upang magsilbing inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon at para sa hinaharap.
Subuking unawain ang Four Noble Truths at gampanan ang tungkulin sa pagdalisay ng isipan.
Ang kultura ay isang larawan. Ang pagiging makatao ay diwa ng pagsasabuhay.
Ang dalisay at wagas na pagmamahal ay ang puso ng pagiging makatao ng Tzu Chi. Ang mga Misyon para sa kultura ng Tzu Chi ay nakabatay sa prinsipyo ng “katotohanan, kabutihan at kagandahan.” Samakatwid, ang ganap na kawastuan ay pamantayan sa tuwing kumakalap ng impormasyon mula sa tao, gawain, oras, lugar, at bagay.
Ang buhay ay may mga kaakibat na pagdurusa, mga dahilan ng pagdurusa, mga paraan upang mabawasan ang pagdurusa at ang daan tungo sa kaliwanagan (Four Noble Truths). Ang Tzu Chi ay isinasabuhay ang landas ng Bodhisattva sa pamamagitan ng pagtulong sa masa. Ang mga gawaing kaugnay nito ay nagiging daan upang masaksihan ang lahat ng uri ng pagdurusa kaya’t patuloy na isinasakatuparan ang mga misyon upang maibsan ang mga pagdurusa. Kaalinsabay rin nito ang pagkatuklas sa katotohanang ang pinagsama-samang kaisipang may pinapanigan at mga maling gawain ay humahantong sa pagdurusa. Upang malipol ang masasamang kaasalan ng mga tao at mabago ang kadiliman patungo sa maliwanag na buhay, nangangailangang supilin ang sariling isipan sa pamamagitan ng tamang daan, pagsunod sa batas ng kalikasan at pagsasabuhay ng pagiging tao. Sa paraang ito lamang ay matatamo ang kapayapaan, kadalisayan at pagkakaisa.
Gawin nating isang halimbawa ang pag-uulat ng balita. Ang ulat-balita ay maaaring mapabilang sa Four Noble Truths. Sa payak na paraan ay agad na masasaksihan ang pagdurusa na maisasalin sa pagmamahal at ang galit ay hindi ang tamang paraan. Ang malalim na pagsasaliksik sa sanhi at bunga ng ugnayan ng mga tao, at ang kaisipan ng mga tao ay kinakailangan upang makamit ang kasagutan sa bawat pagkakataon. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng mga ito ay makapagbibigay-liwanag ang mga balita. Ito ang paraan kung saan ang midya ay magkakaroon ng tungkulin sa edukasyon tungo sa pagdadalisay ng kasipan.
Ang tungkulin ng midyang pangmadla ay bigyang-inspirasyon ang masa na maging mabait at matalino.
Ang gampanin at kahulugan ng kultura ay nakabatay dito. Ito ay tumutukoy sa iba’t ibang pangkultural at pang-edukasyunal na pag-uulat ng midya na nakaaantig-damdamin at nagbibigay-inspirasyong mga kwento ng tao, simpleng pamumuhay, pagsisikap at katapatan, upang makamit ang hangarin na madalisay ang mga isipan.
Ang masa ng kasalukuyang panahon ay naguguluhan sa pag-iisip. Ang mga tao ay agad na naniniwala sa lahat ng kanilang nababasa at naririnig sa midya at hindi nagiging mapanuri. Samakatwid, mahalagang mabago natin ang midya tungo sa malinis na daluyan ng pagdadalisay sa mga isipan ng publiko upang maiwasan ang mga paghihirap.
Walang makikitang palatandaan pagiging masama o mabuti ng isang nilalang. Ang pagiging mabuti o masama ay nagmumula sa isipan. Ang Dharma ay kalikasan ng tao kaya’t ang lahat ng isipan ng mga tao ay may taglay na karunungan. Ang paghahatid ng kabaitan mula sa pagiging likas na tao ay nagpapakita ng karunungan. Ang kapangyarihan ng kabaitan ay walang katapusan. Sa kabilang banda, kung ang isipan ay nabibighani sa kasamaan at ginagamitan ng karunungan, ito’y nagiging kapangyarihang nagbabanta sa katatagan ng lipunan. Patunay lamang na ang pagbabago tungo sa kabaitan at karunungan ay nakasalalay sa misyon ng midya. |