Issue No.: 30
Pangunahing Balita
Filipino Volunteers Camp ng Tzu Chi para sa Marikeños:
Isang Pamilya, Isang Diwa
Erika Vizcarra at Madona Corado
Isinalin ni Nyanza Nakar
  
"Pagkaisahin natin ang mas maraming nabubuhay na Bodhisattvas dahil kapag mas maraming dalisay na hangarin, nababawasan ang kaguluhan.” –Master Cheng Yen

Ang walang patid na suporta at pagtugon ng Tzu Chi Foundation noong lumipas ang bagyong Ondoy ay nagtanim ng mga buto ng dakilang pagmamahal sa puso ng mga residente ng Marikina. Ito’y pangunahing nakahikayat sa kanila na palaguin ang mga butong ito sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga misyon ng Tzu Chi. Ang unang hakbang para rito ay naganap sa Filipino Volunteers Training Camp ng Tzu Chi sa Awditoryum ng Tzu Chi Still Thoughts Hall sa Quezon City noong ika-21 at ika-27 ng Nobyembre.

Ang camp na dinaluhan ng libo-libong residente mula sa tatlong barangay ng Marikina ay pinangunahan ng seminar-workshop sa buong araw. Dito’y mas naipakilala ang misyon-bisyon ng Tzu Chi, na nagmula sa wagas na pagmamahal sa lahat ng nabubuhay na nilalang ng tagapagtatag nitong si Master Cheng Yen; ang kasaysayan, kultura, alintuntunin, at ang walang katapusang paraan ng paggising sa kabutihang-loob ng isang tao at pagsasabuhay nito sa pagtulong kanilang mga kababayan.

Unang hakbang patungo sa landas ng Tzu Chi
May kabuuang bilang na 495 kalahok mula sa mga barangay ng Nangka, Malanday at Tumana sa Marikina ang dumalo sa unang serye ng limang training camps na inorganisa para sa malawakang prayer vigil sa Marikina Sports Complex sa darating na ika-27 ng Disyembre na iaalay ng Tzu Chi Philippines sa mga biktima ng bagyo sa Marikina.

Ang naturang kalahok ay naging bahagi ng halos tatlong linggo na programang Cash-for-Work ng Tzu Chi sa Marikina na nakatulong sa mga residente upang kumita ng Php400 sa isang araw ng paglilinis sa mga basura at putik sa kanilang mga komunidad.

Sa tulong ng 73 Tzu Chi volunteers, ang mga residente ng Marikina ay agad na natutunan ang Kultura ng paggalang at tamang pagkilos ng Tzu Chi noong ika-21 ng Nobyembre. Tinuruan sila ng mga volunteers ng Etiketa ng Tzu Chi kung saan ang bawat kalahok ay natutunan ang wastong paraan ng pagbati at pagyuko, ang tamang pagtayo at pag-upo, at ang pagkain na gamit ang chopsticks at bowl.

Nang natuon sa isang mahalagang paksa, tinalakay ng mga Tzu Chi vounteers ang kahalagahan ng pagsasagawa ng vegetarian diet bilang malalim na pagsupil sa mga makamundong hangarin at maiwasan ang pag-iipon ng masamang karma sa buhay.

Habang ang lahat ng mga bagay na ito ay bago lamang sa mga kalahok, tiniyak ng mga Tzu Chi volunteers na makakasabay sila sa pamamagitan ng paggabay at pagtulong sa kanilang matutunan ang mga kultura ng Tzu Chi.
“Marami akong natutunan sa araw na ito tulad ng pagpapahalaga sa kapwa at sa ating kapaligiran, at kung paano magmahal ng ating mga kapatid. Kahit na ako’y isang Kristiyano, kinikilala ko ang mga aral sa Budismo na ibinahagi sa amin ngayong araw na ito lalo na ang tamang pagkilos, etiketa, ang tamang pagsasalita at pagsupil sa mga bisyo ng isang tao. Nagpapasalamat ako na nakapunta ako ngayon dito,” banggit ng 41 anyos na si Helen Carasi ng Balubad Settlement Site sa Barangay Nangka.

Si Carasi at ang kanyang asawa, si Constantino, 45, ay parehong dumalo sa training camp ng mga volunteers. Ayon kay Constantino, silang mag-asawa ay nagkasundo na ilalaan ang kanilang oras upang maging mga Tzu Chi volunteers kung mabibigyan sila ng pagkakataon.

Kabilang sa mga kabataan na nagpatala upang maging Tzu Chi volunteer ay si Eldi Joyce Laguda, 20, isang mag-aaral ng International Management sa ikatlong taon sa La Consolacion College.

“Para sa akin, bilang mag-aaral at kabataan, hinahanap ko pa ang tunay na kahulugan ng buhay. Ipinagmamalaki ko na naging Tzu Chi volunteer ako dahil kahit na akoy’ nasa murang edad ay maibabahagi ko na ang aking sarili sa ibang tao,” wika ni Laguda. Idinagdag din niya ang kanyang pananabik sa malawakang prayer vigil sa Disyembre.

Mga panata na pagtitibayin
Sa ikalawang serye ng training program noong ika-21 ng Nobyembre, 469 residente ng Barangay Malanday ang dumalo. Sila’y nakilahok sa 121 residente mula sa Barangay Nangka na nagtungo sa unang serye ng training camp noong nakaraang linggo at naatasan na pangunahan at gabayan ang pangkat na galing sa Malanday sa araw na ito. Sa kabuuan, mayroong 590 kalahok ang sumali sa ikalawang training camp.

Tulad ng naunang training camp, ang ikalawang sesyon na pinamahalaan ng 68 Tzu Chi volunteers ay nagpakilala sa mga lokal ng Malanday ng tungkol sa paraan ng pagkilos bilang mga Tzu Chi volunteers. Kabilang dito ang tamang postura, pagbati, pagyuko at pagtatanghal ng walking meditation; gayundin ang paraan ng pagbati ng Tzu Chi (Amitofo) at pagtawag sa bawat isa bilang kapatid (shr shiong-kalalakihan; shr jie-kababaihan); at mga awitin at pagtatanghal ng sign language.

Habang ginugunita ang nagdaang trahedya na naganap sa Marikina at sa malaking bahagi ng Metro Manila, binigyang-diin ng mga volunteers ang kalahagahan ng pagre-recycle upang mapangalagaan ang kapaligiran at maiwasan ang mga likas na kalamidad.

Sinubukan din ng mga residente ng Malanday ang paggamit ng bowls at chopsticks. Sila’y ganap na nagsanay ng paggamit nito noong nagsalu-salo sa mga inihandang vegetarian meals ng mga Tzu Chi volunteers.

Samantala, ang residente ng Malanday na si Liezel Macato ay masama na ang pakiramdam noong umaga pa lamang ng araw na ito ngunit ibinahagi niya na pinilit pa rin niyang makadalo at samahan ang kanyang grupo sa programa. Iginiit niyang tatapusin ang camp dahil ito lamang ang kanilang paraan upang masuklian ang kabaitan ng Tzu Chi Foundation.

“Tzu Chi ang tanging tumulong sa amin upang makaahon mula sa kalamidad at nais naming ipahayag ang aming malaking pasasalamat sa pamamagitan ng pakikibahagi sa kanilang mga gawain, “ banggit niya.

Idinagdag ng tinatawag na “Ate ng Bayan” sa Malanday na si Macato na tinatayang nasa libo ng kanyang mga kapitbahay ay nagpahayag ng pagnanais na sumali sa training camp. “ Marami silang natutunan sa Tzu Chi, gusto nila ang mga ginagawa ng Tzu Chi. Sa katunayan, karamihan sa mga kalahok ay sumali na sa unang camp. Magaan ang pakiramdam nila at masayang-masaya sila dito sa Tzu Chi. Nadadala rin sila ng mga kwento at pagmamalasakit ng mga volunteers,” banggit ni Macato.

Sa kabilang dako, nakaranas ng pagdurugo noong dalawang buwang nakalipas si Macato. Ito’y sanhi ng pagkakunan ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Dahil sa kanyang munting kabuhayan bilang tindera ng bawang at paminta, hindi na niya nagawang magpa-raspa ng kanyang matres. Sa araw na nalaman ng mga Tzu Chi volunteers ang kanyang kalagayan, agad siyang isinangguni kay Tzu Chi International Medical Association (TIMA) volunteer at dalubhasang OB-Gyn na si Dr. Hui Sing Liu at sinagot ng Tzu Chi ang mga pagsusuri sa laboratory at ultrasound.

“Maraming salamat sa inyong tulong. Nagpapasalamat kaming lahat. Una, sa mga residente ng Nangka na naggabay sa amin at naghanda ng lugar para sa aming seminar workshop. Sinabi nga sa amin kanina na pumunta sila rito kahapon para maglinis ng lugar ng aming seminar workshop. At higit sa Tzu Chi Foundation, Philippines na gumawa ng malaking pagbabago sa aming mga buhay,” wika ni Macato.

Nagwakas ang programa ng mga ganap na alas-5 ng hapon. Binigyan din ng alkansya ng Tzu Chi ang mga kalahok na maaaring mapag-iipunan ng kanilang mga donasyon para sa mga tinutulungan ng Tzu Chi. Umabot sa 403 residente ang nag-uwi ng mga alkansya, samantalang 358 ang nangako na magiging mga volunteers sa mga misyon ng Tzu Chi.

Bago tuluyang magpaalam sa isa’t isa, ang mga residente ng Malanday at Nangka na naging mga nakaaawang biktima ng bagyo at mga natulungan; at ang mga Tzu Chi volunteers na patuloy na pinagmumulan ng liwanag at pagmamahal ng mga residenteng ito; ay nagkaisa bilang magkakapatid sa isang panalangin ng pag-asa at kapayapaan sa kanilang pamayanan, sa bansa at sa buong mundo.

Nagwakas ang palatuntunan sa magkakasabay na pag-awit ng “Isang Pamilya” ng mga Tzu Chi volunteers at ng mga residente ng Malanday at Nangka. Ito’y nagsisilbing palatandaan na hindi man sila magkakadugo sa una, ngayon ay ganap ng isang pamilya na pinagbigkis ng wagas na pagmamahal, paggalang at pasasalamat sa bawat isa.