 | Ang pagbuhos ng pagmamahal at pagmamalasakit ay dumaloy sa puso ng mga Pilipino nang ipinakita nila ang pag-aalala para sa mga biktima ng lindol sa Haiti sa donation drive ng Tzu Chi Foundation Philippines sa Binondo, Maynila noong ika-23 ng Enero 2009.
Sa kabila ng pagkakaiba sa lahi, nasyonalidad, at kinaroroonan, daan-daang mga Pilipino ang nagbukas ng kanilang puso na magpadala ng pagmamahal at tulong sa libo-libong nangangailangan sa Haiti nang humingi sa kanila ng tulong ang 116 Tzu Chi volunteers at 116 lokal na volunteers mula sa Marikina at Tatalon.
Noong ika-12 ng Enero, tumama ang 7.0 magnitude na lindol sa kabisera ng Haiti, ang Port au Prince, na nagdulot ng malaking pinsala at kumitil sa napakaraming buhay. Sa trahedya, mahina ang pag-asang may makaligtas at tunay na nasalanta ang pinakamahirap na bansa sa Western Hemisphere.
Si Master Cheng Yen, ang tagapagtatag ng Tzu Chi Foundation, ay labis na nababahala sa mga kahirapan na nararanasan ng mga naapektuhang Haitian. Sa isang sulat na ginawa para sa mga “Kaibigan sa Haiti,” nais iparating sa kanila ng Master na ang Tzu Chi ay mananatili sa kanilang tabi hanggang sa sila’y makabangong muli.
Kalakip ang pagmamahal
Maliban sa donation drive sa Binondo, ang Tzu Chi volunteers sa Pilipinas ay ginagamit ang pagkakataon na lumikom ng suporta mula sa kanilang mga kababayan sa tuwing nagsasagawa ng relief missions tulad na lamang ng fire relief activity sa Paco, Manila; buwan-buwang pamamahagi ng tulong sa Dreamland sa Rosario, Cavite; at dental mission sa San Juan City Jail.
Saan mang lugar sa mundo na naganap ang mga sakuna, sinasabi ni Master Cheng Yen na kailangan nating lahat na magpadala ng tulong sa ibang tao na may kasamang pagmamahal dahil may katapusan man ang ating buhay, ang Dakilang Pagmamahal ay walang hanggan.
Bilang paraan ng paggising sa pagmamahal sa puso ng kanilang mga kababayan, nagkatipon ang Tzu Chi volunteers sa Plaza Lorenzo ng bandang alas-8 ng umaga bilang paghahanda sa gawain.
Matapos ang pagtatakda ng mga gawain ng bawat pangkat, nanatili ang katahimikan at napayapa ang kanilang mga puso nang sama-samang nag-alay ng dasal na humihiling para sa mundong malaya sa pagdurusa at kahirapan.
Sumunod sa mapayapang sandali ay ang malalakas na pagsigaw ng volunteers na nagbibigay ng lakas ng loob para sa mga naninirahan sa Haiti: “ Tumulong sa pagpapadala ng pagmamahal sa Haiti! Mabuhay ang Tzu Chi volunteers!”
Sa gitna ng abalang lansangan ng Binondo, masigasig na naglibot sa mga kalsada ang Tzu Chi volunteers na tangan ang donation boxes at posters.
Pagdaig sa mga kahirapan para sa Haitians
Maliban sa pagtuturo sa mga mayayaman na magbahagi ng kanilang mga biyaya, ang pagkalap ng donasyon sa mga kalsada ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga taong mababa lamang ang kinikita tulad ng mga kutsero, tindero, pedicab drayber at mga trabahador upang ipamalas ang kanilang kabutihang-loob at pagmamalasakit sa mga taong nangangailangan. Higit pa rito, ang gawain ay isang mabisang paraan upang mapalago ang puso ng mga kabataan at mga inosente.
Matapos mabatid na may mga batang naghihirap sa Haiti, ang ikatlong baytang na si Angelica Maniego ay humiling sa kanyang ina, isang tindera ng prutas, na bigyan siya ng mga barya upang makapag-abot sa Tzu Chi.
“Sana makatulong ito sa Haiti at hinihiling ko rin na maging mabuti na ang kalagayan ng mga bata doon,” wika ni Maniego.
Isang tatlong taong anyos na bata ang lumapit sa Tzu Chi volunteers at tumingkayad pa upang maabot lamang ang donation box. Matapos niyang ihulog ang kanyang mga barya, bumalik na si John Cedric Najera sa kanyang lolo, si Johnny, na nagbigay ng Php20 upang muli niyang ibigay sa Tzu Chi.
“Ang pagtulong sa mga biktima ng lindol ay paraan ng aming pasasalamat sa Tzu Chi dahil ilang taon nang nakalilipas ay natulungan nila sa operasyon sa puso ang aking anak na babae,” paliwanag ng nakatatandang Najera.
Nakalulugod na mga pagsisikap
Ang mga biktima ng bagyo na naging Tzu Chi volunteers ay nagpahayag ng kanilang kagalakan at mga karanasan sa paglilikom ng mga donasyon sa mga hindi kakilala.
“Magaan sa pakiramdam ang humingi ng tulong sa ibang tao para sa mga nabiktima ng lindol sa Haiti. Hindi ako nakakaramdam ng pagod o nahihiya na humingi ng mga donasyon sa tao. Maligayang-maligaya ako dahil dati naghahanap pa ako ng paraan kung paano makatutulong sa iba ngunit sa pamamagitan nito’y nadama ko na marami akong naiambag. Natutunan ko na maaari kong ibahagi ang mga biyayang natatanggap ko mula sa Tzu Chi,” banggit ni Yolanda Cafe ng Barangay Malanday, Marikina City.
“Nang tinulungan kami ng Tzu Chi noong kasagsagan ng Bagyong ‘Ondoy’ hindi nila inisip na magkaiba kami ng lahi naging pantay-pantay ang pakikitungo nila sa amin. Iyon ang nagbigay sa akin ng inspirasyon upang makibahagi sa gawain ngayon,” paliwanag ni Cafe.
Idinagdag din ni Cafe na maging ang ilan sa mga donor na katulad nilang kapus-palad ay naghulog ng mga barya sa donation boxes, masaya siya dahil ang mga maliliiit na halagang ito ay makadaragdag sa malaking halaga na makatutulong sa Haitians.
Ang dating opisyal ng Philippine Marines na si Alfredo Gonzales ay nagbahagi rin ng kanyang karanasan sa unang pagkakataon ng pangangalap ng mga donasyon para sa mga biktima ng lindol sa Haiti. Isang residente ng Tatalon, Quezon City na nakaranas ng magkasabay na sunog at baha sa kasagsagan ng bagyong Ondoy noong ika-26 ng Setyembre 2009, sinabi ni Gonzales na ang pakikiisa sa fund raising drive ay paraan ng kanyang pasasalamat at suporta sa organisasyon.
Bilang dating aktibong kasapi ng response team, binanggit ni Gonzales na ang rescue operation na kanyang ginagawa ay mas madali kung ihahambing sa paghingi ng mga donasyon na kanyang naranasan. Naalala niya na bagaman maraming tao ang naghulog ng kanilang mga donasyon, mayroon pa ring mga tumangging magbigay.
“Ang karanasang ito ay nagturo sa akin ng kababaang-loob at pagsasakripisyo para sa ibang tao. Napagtanto ko rin na lahat ng pagmamay-ari natin ngayon ay pansamantala lamang. Darating ang panahon na mawawala ito at mauubos kaya’t pahalagahan at pasalamatan ang lahat ng ating mga biyaya. Dahil sa nasaksihan ko ang pagsisikap na ito ng Tzu Chi, makakaasa sa akin ang volunteers, kailanman at saanman. Kahit hilingin nilang pumunta ako sa Haiti, kusang-loob kong gagawin.”
Pagpapalaganap ng pagmamahal sa 168 Shopping Mall
Matapos magpahinga, muling nagsimula ang Tzu Chi volunteers sa pag-iipon ng pagmamahal mula sa kanilang mga kababayan. Habang ang ilan sa Tzu Chi volunteers ay nanatili sa Binondo, ang iba’y nagtungo sa malapit na 168 Shopping Mall ng bandang ala-1 ng hapon.
Habang dumaragsa ang mga mamimili na palakad-lakad sa pamilihan, ang Tzu Chi volunteers ay nagbahagi sa kanila ng pananaw tungkol sa kabutihan ng pagtulong sa mga nangangailangan hangga’t may kakayahan ang bawat isa.
“Ang buto na inyong itatanim ay maibabalik ng ilang ulit. Gamitin natin ang pagkakataong ito na ibahagi ang ating mga biyaya sa mga sinawing-palad na tao sa Haiti,” banggit ng isang Tzu Chi volunteer sa mikropono, habang humihingi ng tawad sa kanilang pang-aabala sa mga mamimili.
Ang mga salitang ito ay tunay na gumising sa kabutihang-loob ng mga mamimili, dumaraan at mga kawani ng pamilihan kaya’t gumawa sila ng isang mahalagang hakbang para matulungan ang mga biktima ng lindol sa Haiti sa pamamagitan ng paghuhulog ng anumang halagang makakayanan sa donation boxes.
“Anumang halaga ay napakalaking tulong na lalo’t sinamahan ng isang panalangin na mabawasan ang mga sakuna sa buong mundo. Tinitiyak namin sa inyo na ang inyong mga donasyon ay direktang mapupunta sa mga biktima ng trahedya sa Haiti,” wika ng Tzu Chi volunteer.
Samantala, sa kahabaan ng kalye ng Recto ng hapong iyon, nasaksihan ang isang patunay ng kasabihan mula kay Master Cheng Yen na “Ang pagtulong ay hindi lamang karapatan ng mga mayayaman, ngunit nauukol sa sinumang may matapat na puso.”
Bilang pagsasabuhay ng gintong pagkakataon na makatulong, ang basurerong si Eddie Reyes ay hindi na naghintay na lumapit sa kanya ang Tzu Chi volunteers. Nang narinig niya na nananawagan ito sa publiko na magpadala ng kanilang pagmamahal sa Haiti, agad siyang lumapit at inihulog ang mga baryang kanyang kinita mula sa paghahalungkat ng basura.
“Nalulungkot ako para sa Haitians na nakulong sa mga gumuhong gusali. Kailangan nating magbigay para matulungan sila,” payak na pahayag ni Reyes nang nagsimula na niyang itulak ang kanyang kariton at nagpatuloy na sa pangongolekta ng basura sa mga kalsada.
Bago lumubog ang araw, ang pagod na volunteers ay umuwi sa kanilang tahanan na labis ang kagalakan dahil mas napagtatanto nila ang kabutihan na naitanim sa puso ng kanilang mga kababayan. Umabot sa kabuuang bilang na Php586,336.15 ang nalikom mula sa donation drive at lahat ng mga Tzu Chi volunteers ay nagpapasalamat para sa pinagpalang araw na ito.
Ang Tzu Chi Foundation ay nananawagan sa lahat na gamitan ang gintong pagkakataon na ito upang ipadama ang kanilang dakilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon para sa mga biktima ng lindol. Ang mga donasyon ay maaaring ipadala sa 76 Cordillera corner Agno Street, Quezon City o i-deposito sa Metrobank Del Monte Branch. Account number: Tzu Chi Foundation 163-3-1307190-9 para sa mga karagdagan taong at paglalabas ng mga resido, mangyaring tumawag lamang sa (02) 7321188loc. 101 |